• Romblon Sun

Dalawang lalaking naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa Odiongan, tiklo


ODIONGAN, Romblon – Arestado ang dalawang lalaking naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga dakong 6:15 ng hapon, Nobyembre 10, 2020 sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.


Kinilala ang mga suspek na sina William Forio Ignacio, 42 taong gulang, binata, walang trabaho, residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at John Magnaye Santos, 38 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) may nagpaabot umano ng sumbong sa operatiba ng Romblon PPO-PDEU sa pamumuno ni PMAJ Peter Brian F. Fallurin tungkol sa kasalukuyang nagaganap na pot-session sa bahay ng suspek na si Ignacio sa Barangay Dapawan.


Agad namang umaksyon ang kapulisan at pinuntahan ang nasabing lugar kung saan ay kanilang naaktuhan at nakunan ng video ang ginagawang paggamit ng dalawang suspek ng ilegal na droga.


Bago pa man mapasok ng mga awtoridad ang bahay ng suspek ay naidispatsa agad umano ng mga ito ang ginamit na ilegal na droga at paraphernalia sa kubeta at walang narekober na droga ang pulisya.


Isinagawa naman ang “body search” sa mga suspek at tanging nakuha kay Santos ay dalawang beinte pesos na perang papel (P20.00) na sinaksihan ng Barangay Official ng Barangay Dapawan at kinatawan ng media.


Dinala ng pulisya ang mga suspek sa himpilan ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.

Kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahandang isampa ng pulisya sa Prosecutor’s Office laban sa mga suspek. (Romblon Sun Online)  

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.