• Tony Miñano Macalisang

Dating empleyado ng LGU Odiongan naaksidente sa motorsiklo, nasawi


ODIONGAN, Romblon – Nadisgrasya sa motorsiklo ang isang dating empleyado ng LGU Odiongan na papauwi na sa kanilang bahay dakong Biyernes ng gabi sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.


Kinilala ni Police Liuetenant Jerson R. Mapola ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang biktima na si Leonardo Baniago Famisan, Jr., 52 taong gulang, may-asawa at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.


Napag-alaman na nakita nina Emelito Penes Candido, 21 taong gulang at Roger Fernandez Ayuban, 18 taong gulang na parehong taga Barangay Dapawan, Odiongan, ang biktima na nasa loob ng kanal malapit sa tahanan ng mga Morgado sa Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon dakong 11:30 ng gabi at ipinagbigay-alam nila ito sa Odiongan MPS.


Pinuntahan naman ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang nasabing lugar at kanilang isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang biktima na idineklarang dead on arrival (DOA) ng sumuring doctor na si Dr. Jeremiah F. Morgado.


Sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, nakainom umano ang biktima at pauwi na sa kanilang bahay noong gabing iyon mula sa Barangay Ligaya, Odiongan at pagsapit sa Barangay Dapawan malapit sa bahay ng pamilya Morgado ay nawalan umano ng kontrol ang biktima sa kanyang minamanehong motorsiklo at aksidente itong nahulog sa kanal kung saan ay tinamaan naman ang tubo ng tubig na nabasag at naging dahilan para bumulwak ang daloy ng tubig na sanhi umano ng pagkalunod ng biktima dahil sa kanyang posisyon sa loob ng kanal. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.