• Tony Miñano Macalisang

Dayuhang missionary nakasagasa ng bata sa kabesira ng Romblon


ROMBLON, Romblon – Isang dalawang taon gulang na bata ang aksidenteng nabangga ng motorsiklo na minamaneho ng isang dayuhang misyonaryo sa Sitio Centro, Barangay Agpanabat, Romblon, Romblon noong alas 10:00 ng umaga ng Agosto 7, 2020.


Kinilala ng pulisya ang pangalan ng bata na si Khim Shimuel Maaba Morato, 2 taong gulang at residente ng Brgy. Agpanabat, Romblon, Romblon samantalang ang nakaaksidente ay isang American citizen na si Eugene Paul Pelletier, 77 taong gulang, divorced, Missionary at pansamantalang nakatira sa Sitio Ambulong, Barangay Bagacay, Romblon, Romblon.


Sa imbestigasyon ng pulisya nalaman na ang suspek ay sakay ng kulay itim na motorsilong Honda XR na walang plaka at habang binabaybay ang daan sa Sitio Centro ng Barangay Agpanabat papuntang Barangay Sablayan, Romblon, Romblon ay bigla umanong tumawid ang biktima sa kalsada na ikinagulat ng suspek at hindi na nito nagawang iwasan ang bata hanggang sa ito ay kanyang nabangga.


Dahil dito, kapwa tumilapon sa kalsada ang biktima at ang suspek na parehong nagtamo ng sugat sa katawan.


Agad namang dinala ang dalawa sa Romblon District Hospital (RDH) para malapatan ng kaukulang lunas kung saan ay isinailalim ang mga ito sa obserbasyon.


Napag-alaman ng kinaukulan na walang valid driver license ang suspek.

Dinala naman ng mga kapulisan sa kanilang estasyon ang motorsiklo na ginamit ng suspek para sa kaukulang disposisyon.


Balak naman magsampa ng demanda ang ina ng bata na si Michelle Marzonia Maaba, 35 taong gulang, single, walang trabaho at residente ng Brgy. Agpanabat, Romblon, Romblon, laban sa nakasagasa.


Kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries ang inihahandang isampa sa korte ng ina ng bata laban sa suspek. (Tony Miñano Macalisang/ Romblon Sun Online)



Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.