• Tony Miñano Macalisang

Driver nakaidlip, sasakyang pick-up sinuwag ang pader sa Alcantara, Romblon


ALCANTARA, Romblon – Isang sasakyang Isuzu DMAX ang aksidenteng bumangga sa pader matapos na maidlip ang drayber dakong 11:00 ng gabi ng Pebrero 1, 2021 sa Barangay Lawan, Alcantara, Romblon.


Kinilala ang drayber na si Justine Estelloso Gallos, 24, binata, technician ng Commtrend Company, habang ang isang pasahero na nasugatan ay nakilala na si Lolidy Estelloso Gallos, 62, may-asawa, BHW at parehong residente ng Barangay Tuguis, Looc, Romblon.


Sa ulat na Alcantara Municipal Police Station (AMPS), napag-alaman na ang drayber kasama ang nasugatan at ibang pamilya ay sakay ng kulay puti na Isuzu Dmax na pag-aari ng Commtrend Company at minamaneho ni Gallos. Galing umano sa bayan ng San Agustin, Romblon ang naturang grupo na dumalo sa isang pagtitipon ng pamilya at ng dumating sa nasabing lugar ay nakaidlip umano ang drayber at naging dahilan para lumihis ang sasakyan at bumangga sa kongkretong bakod sa tabi ng kalsada.


Dahil sa nasabing aksidente ang nakaupo sa unahan ng sasakyan na si Ginang Lolidy Gallos ay nagtamo ng konting pinsala sa katawan at isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon para malapatan ng kaukulang lunas.


Ligtas naman ang drayber at ibang sakay ng naturang sasakyang pick-up na nasira ang unahang bahagi.


Dinala sa Alcantara MPS ang drayber at sasakyan na sangkot sa naturang aksidente para sa kaukulang disposisyon. (Romblon Sun Online)






Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.