Ekonomiya, Kamusta ka na?

Ni WILSON M. FORTALEZA




Importante ang lockdown dahil kahit hindi ito ang gamot sa Covid-19, ito ay panlaban sa mabilis na pagkalat ng virus. Pero ang hindi masyadong nakwenta ng marami ay ang pangmatagalang epekto ng lockdown sa ekonomiya ang bansa.


Hindi tayo mamamatay sa virus kundi sa gutom. Ito ang ordinaryong komento ng masa na madaling maintindihan. Dahil totoo na ang buhay ng isang tao o isang pamilya ay nakaasa sa kanilang kinikita sa araw-araw na pagtatrabaho, lalo na sa mga pamilyang isang kahig-isang tuka.


Ganito rin simpleng tingan ang ekonomiya. Kung maliit o zero ang economic activity, maliit o zero din ang output. Gutom na ekonomiya din ang kalalabasan. Ang economic output na ito ay ang tinatawag na Gross Domestic Product (GDP). Ito ang suma-total nang produksyon at konsumo ng ating bansa. Kung humina ang produksyon at konsumo sa pangkalahatan, kaunti o walang produkto o serbisyong magagawa, therefore walang bagong value o yaman na malilikha sa isang takdang panahon.


At dito sa harap ng pandemyang Covid na ito natin nakita ang dati’y open-secret na misteryo ngunit hindi nauunawaan ng marami: Na ang buhay ng ekonomiya ay nasa kamay ng manggagawa. Dahil tanging sa lakas at oras ng manggagawa nanggagaling ang new value o yaman ng bansa na ang suma-total kung tawagin ay ekonomiya.


Sa madaling salita, kapag inalis mo ang mga manggagawa sa mga pabrika, farm, at marami pang sektor tulad ng serbisyo tulad ng transportasyon, pinansya, at iba pa, titirik talaga ang buong ekonomiya. At dahil ang pandemya ng Covid-19 ay tinapatan ng patakarang lockdown, milyun-milyong manggagawa ang hindi nagtrabaho sa loob ng halos tatlong buwan.


Ang resulta, krisis sa ekonomiya na kung tawagin ay recession o ang mas malalang anyo nito na kung tawagin ay depression. Ang mga halimbawa ng krisis na ito ay ang Great Recession noong 1930s, Asian Financial Crisis noong 1997-2001, at ang Global Financial Crisis noong 2008-2009. Lahat ito ay inaasahang hihigitan pa ng kasalukuyang krisis.


Dahil ay dahil kakaiba ang krisis na ito dahil ito ay sinadya. Induced recession kung tawagin ito ng ilang ekonomista dahil pwersahang ginawa ang pagpapatigil sa maraming economic activities.


Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong nakaraang May 7, 2020, bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas sa 0.2% mula sa average na 5-6% nitong mga nakaraang taon. Ang pagbagsak na ito ay pinakamalala sa nakalipas na 22 taon.


Technically ay wala pa tayo sa recession dahil opisyal itong indinedeklara kapag may negative growth na at leas two consecutive quarters. Pero ang nasa harapan na natin ngayon ay isa nang ganap na recession. Isa pa, ang survey ng PSA ay first quarter ng 2020 kaya’t ang saklaw pa lamang nito ay isang buwang lockdown. Asahan natin na mas malala pa dito ang lalabas sa survey ng second quarter.


Ngayon pa lang ay ramdam na ramdam na ng manggagawa ang krisis na ito. Sa parehong April survey ng PSA ay nakita na ang unemployment rate ng bansa ay sumirit sa 17.7% mula sa 5.1% noong April 2019. Katumbas ito ng 7.3 milyong manggagawa na walang trabaho. May 6.4 milyon naman na underemployed. At meron pang bagong kategorya na mas nakakabahala: 13 milyong manggagawa o 38.4% ng ng employed labor force ang nasa kategoryang ‘employed but not working’. Ibig sabihin, nasa listahan pa sila ng employed pero hindi pa pinababalik sa trabaho noong isinagawa ang survey.


Ang malaking tanong: Nakabalik pa kaya sila sa kanilang trabaho ngayong GCQ o tuluyan na silang natanggal? Malalaman natin yan sa susunod na survey. Pero ngayon pa lang ay marami ng balita ng laganap na tanggalan.


Kung kaya’t ang tanong ng marami: Bakit inuna pa ni Duterte at ng Kongreso ang terror bill kaysa sa mass testing na siyang mas importante sa #BalikTrabahongLigtas

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.