• Tony Miñano Macalisang

ESTUDYANTE NAGBIGTI DAHIL SA PROBLEMA SA MODULE SA ODIONGAN


ODIONGAN, Romblon – Natagpuang nakabitin sa kanyang kuwarto ang isang dalagang estudyante dakong 5:00 ng hapon, kahapon, Marso 17, 2021 sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.


Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang biktima na si “Christine”, 21 taong gulang, dalaga, estudyante at nakatira sa Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng Odiongan MPS, nakita na lamang umano ng nanay ng biktima na si Milogen ang nakabitin na walang buhay na katawan ng anak sa kisame ng kanyang kuwarto na may nakapulupot na “malong” sa kanyang leeg.


Ayon sa paglalahad ng ina ng biktima sa pulisya, bago pa umano ang nasabing insidente, ay nagrereklamo na umano ang kanyang anak tungkol sa mga asignatura nito sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng paggamit ng modules na nagdulot ng matinding depresyon sa estudyante.


Ang nasabing pangyayari ay ipinagbigay alam ni Barangay Chairman Elmo Magramo ng Brgy. Progreso Este, Odiongan, Romblon sa Odiongan MPS dakong 8:30 ng gabi.


Ang labi ng biktima ay dinala na sa Magallanes Funeral Home sa Odiongan, Romblon.


Ang Odiongan MPS ay humiling rin sa Rural Health Unit ng Odiongan, Romblon para sa kaukulang Post-Mortem eksaminasyon. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.