• Tony Miñano Macalisang

Estudyante nawawala matapos anurin ng malakas na agos ng ilog habang naglalaro sakay ng balsa


ODIONGAN, Romblon - Tinangay ng malakas na agos ng ilog ang isang estudyante na naglalaro sakay ng balsa na yari sa puno ng saging kaninang 9:30 ng umaga, Oktubre, 26, 2020 sa ilog ng Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.


Nakilala ang biktima na si Sherwin Dulce Familaran, 18 taong gulang, binata, estudyante, at residente ng Barangay Tulay, Odiongan, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima kasama ang limang kaibigan nito na sina Angelo M. Fabregas, Abenzen Marcelo, Raymond A. Fajila, Jaybee F. Fajanilan at Jeymar F. Fajanilan ay naglalaro sa mataas na tubig baha sa gilid ng kalsada na malapit sa ilog habang sakay ng balsa na gawa sa puno ng saging.


Nagdesisyon na umanong umalis ang grupo at naiwan umano ang biktima kung saan ay inanod ito ng malakas na agos ng tubig sa ilog dahil sa bagyong “Quinta”. Sinubukan umanong iligtas ng kanyang mga kasamahan ang biktima ngunit nabigo sila at tuluyang tinangay ng rumaragasang agos ng tubig ang biktima.


Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang Odiongan MPS, MDRRMO, BFP, RFMFC, mga Barangay Opisyal at PCG upang matagpuan at mailigtas ang nasabing biktima. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.