Romblon District Hospital Naka-Temporary Lockdown




ROMBLON, Romblon – Ipinarating ng pamunuan ng Romblon District Hospital (RDH) na isinailalim sa temporary lockdown ang RDH kaninang 5:00 ng hapon, Mayo 29, 2020.


Ang nasabing paglagay sa temporary lockdown ng RDH ay dahil umano sa naging resulta sa ginawang Rapid Diagnosis Test (RDT) na isinagawa sa 45 na empleyado kung saan ay nagpositibo ang tatlo (3) sa IGG Test at dalawa (2) naman sa IGM Test habang negatibo naman ang 40 kawani.


Ayon kay Governor Otik Riano, para masiguro na positibo nga sa RDT testing ang limang empleyado ay ipasailalim rin ang mga ito sa swab test para sa RT PCR testing at ipapadala ang mga specimen sa RITM sa Maynila.


“Ayon sa ating mga doctor, hindi po ibig sabihin nito na sila ay infected ng COVID 19 virus. Upang masiguro, ang nagpositibo sa RDT testing ay ipasailalim pa sila sa swab test para sa RT PCR testing at ang mga specimen ay maipapadala lahat sa RITM for testing,” ayon kay Governor Riano.

Naka quarantine na rin umano ang mga nagpositibo na apat na nurse at isang utility worker sa RDH.

Matatandaan na isang pasyente na taga Cajidiocan na naconfine ng halos tatlong linggo sa RDH ang nagpositibo sa COVID-19 matapos maeksamen sa isang ospital sa Manila.


Ayon pa kay Governor Riano dahil umano sa nagpositibo ang resulta sa pasyente na taga Cajidiocan ay nagsagawa ng contact tracing at rapid testing ang provincial government.


Temporary Lockdown


“Dahil po sa pagkakaroon ng positibong resulta ng COVID 19 testing ang dating pasyente ng RDH na nailipat na rin sa isang hospital sa Maynila ay nagconduct tayo ng contact tracing at rapid testing sa mga may direct contact sa pasyente,” dagdag pa ni Governor Otik.


Ayon pa kay Governor Otik, “Upang lubos na mapangalagaan ang ating mga empleyado at ang mga Romblomanons, nag issue tayo ng temporary lockdown sa RDH. Ang mga empleyadong nagkaroon ng close contact sa pasyente ay nasa isolation na at ang iba ay naka home quarantine at facility quarantine na rin.”


Sa mensahe pa ni Governor Riano ay hindi muna umano tatanggap ng pasyente sa ngayon ang RDH at ito ay ipapadala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) o sa Rural Health Unit.


Ayon rin sa pamunuan ng RDH wala munang ABTC, OPD at ER services maliban lamang sa emergency cases at limitado ang bantay. Pinagbabawal rin ang pagdalaw sa mga pasyente na kasalukuyang nasa pangangalaga ng RDH.


Paalaala rin ni Governor Riano na sundin ang mga guidelines para sa general community quarantine, ang paglalagi sa bahay, social distancing at hygiene protocols.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.