• Tony Miñano Macalisang

Ex-Board member Lim at angkas nasagi ang sinasakyang motorsiklo ng humaharurot na pickup, naospital


ROMBLON, Romblon – Nasagi ng hindi pa nakilalang driver ng pickup ang sinasakyang motorsiklo ng dating Sangguniang Panlalawigan member ng Romblon dakong 6: 40 ng hapon ng Disyembre 25, 2020 sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Kinilala ang mga biktima na sina Nelson Ricaredo Lim, 81 taong gulang, may-asawa, dating Sangguniang Panlalawigan member, at residente ng Barangay III-Poblacion, Romblon, Romblon at Maria Doanne Lim Gatchalian, 50 taong gulang, may asawa, medical aesthetician at nakatira sa Brgy. III-Poblacion, Romblon, Romblon habang ang itinuturong suspek ay ang drayber ng isang dark colored na pick-up.


Sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, habang binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng national road sa Sitio Lusod, Barangay Lonos, Romblon, Romblon papuntang bayan sakay ng motorsiklong Honda Street Beat na minamaneho ni dating SP member Lim, isang humaharurot na pick-up ang pazigzag na nag-overtake at aksidenteng nasagi ang kanilang sinasakyang motorsiklo na naging dahilan ng kanilang pagtilapon sa kalsada at nagsanhi ng kanilang pagkasugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang nakabundol na sasakyan ay hindi umano huminto at tuloy-tuloy na dumiretso papunta sa poblacion.


Agad namang dinala ang dalawang biktima sa Romblon District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.

Sa kaugnay na balita, ang nasabing pick-up ay nauna na umanong nakadisgrasya dakong 6:38 ng hapon kung saan ay nabangga nito ang isang motorsiklo na minamaneho ni Nathaniel isang 16 taong gulang na binatang estudyante sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon.


Papunta umano ang nasabing tinedyer sa kanyang nanay sa Bay Side Restaurant sakay ng motorsiklong Honda at binabaybay ang palikong bahagi na malapit sa BonBon beach sa naturang barangay, at napansin nito ang dalawang sasakyan na paparating sa kabilang bahagi ng kalsada at ng malapit na ay nag-overtake umano ang nasa hulihang pick-up at diretso nitong natumbok ang motorsiklong sinasakyan ng tinedyer kung saan ay tumilapon ang biktima sa tabi ng kalsada at nawasak ang minamanehong motorsiklo. Nagtamo rin ng sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima na dinala sa RDH habang ang nakadisgrasyang pickup ay tuloy-tuloy pa rin ang takbo papunta sa direksyon ng poblacion.


Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Romblon MPS sa pagkakikilanlan ng suspek na nahaharap sa kasong Multiple Physical Injuries and Damages to Property. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.