Gobernador ng Occidental Mindoro pinagtangkaang patayin, suspek arestado


MAMBURAO, Occidental Mindoro - Nakaligtas mula sa tangkang pananaksak ng isang lalaki na armado ng patalim ang Gobernador ng Occidental Mindoro kaninang alas 10:00 ng umaga Setyembre 1, 2020 sa Governor’s Office, Provincial Capitol Building, Barangay Payompon, Mamburao, Occidental Mindoro.

Batay sa spot report ng Police Regional Office 4-B MIMAROPA na ipinamahagi sa media, ang biktima ay kinilalang si Eduardo B. Gadiano, Provincial Governor ng Occidental Mindoro, 57 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy. Poblacion, Sablayan, Occidental Mindoro habang ang suspek ay nakilalang si Adrian Bernardo Gatdula, 53 taong gulang, negosyante, at nakatira sa Barangay 2, Santa Cruz, Occidental Mindoro.


Ayon sa imbestigasyon ng Mamburao Municipal Police Station (MMPS), nasa loob umano ng kanyang opisina si Governor Gadiano at may taong kausap nang bigla umanong pumasok ang suspek na armado ng patalim at inundayan ng saksak si Governor Gadiano kung saan ay nagawa namang maiwasan ito ng gobernador hanggang sa kanilang makorner ang suspek sa may comfort room.


Dinakip naman ng pulisya ang suspek na may dala na tatlong patalim.

Kanila ring iniimbestigahan kung ano ang motibo ng suspek sa nasabing pananaksak. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.