• Tony Miñano Macalisang

Hindi Muna Tatanggap Ng Pasyente Sa OPD Ang Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital


LOOC, Romblon – Simula Hulyo 13, 2020 ay pansamantalang suspendido ang pagtanggap ng pasyente sa Out-Patient Department ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital (DMFSMH) sa Barangay Punta, Looc, Romblon.


Ayon sa Facebook page ng PIO Looc, Romblon, ang nasabing panawagan ng pamunuan ng DMFSMH ay dahil sa magsasagawa ng disinfection sa buong compound ng nasabing hospital at tanging mga emergency o malubhang kaso lamang ang pwedeng tanggapin at mabigyan ng kaukulang lunas o first aid pero ito ay ipapadala rin sa Romblon Provincial Hospital (RPH) o sa ibang ospital na nasa Tablas.


Anila pa, maging abala ang pamunuan sa gagawing pagmonitor at pagsagawa ng testing sa mga nakaquarantine na mga staff at pagcontact tracing ng mga taga RHUs at taga PESU.

“Magsasagawa po kami ng pag-disinfect sa buong hospital premises, pag monitor at pag-testing sa aming mga staff na naka quarantine at pagtulong sa gagawing contact tracing ng mga RHUs at ng PESU,” pahayag ng management ng DMFSMH.


Matatandaan na naadmit sa DMFSMH ang isang buwan na sanggol na SLI na taga Alcantara noong Hulyo 7, 2020 na nagpositibo sa COVID-19. Nailipat na ang bata sa National Children’s Hospital sa Maynila noong Hulyo 10, 2020.


“Nais pong ipabatid ng Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital na ang one (1) month old LSI na naadmit noong July 7, 2020 sa ating pasilidad at nailipat na ito sa National Children's Hospital noong July 10,2020 dahil sa kaakibat na karamdaman sa bituka (ileocecal intussusception) ay nag-positibo sa COVID-9 batay sa isinagawang rt-pcr/swab test noong July 8,2020,” pahayag ng DMFSMH.

Ayon sa kanila ang nasabing bata ay inilagay sa isang isolation room (covid designated area) at hindi ito naisama, o naihalo at nakahalubilo sa ibang mga pasyente kung saan ay ang mga tauhan ng ospital ay nakasuot ng protective gear.


“Ang mga empleyado ng ospital na nagkalinga sa bata ay nakasuot ng hazmat suit at iba pang protective gear - Level 4 PPE sa buong panahon na ang pasyente ay nasa aming pagaaruga,” dagdag pa nilang pahayag.

Kanilang panawagan na manatiling kalmado ang lahat at sumunod sa pinapatupad na local health protocols at iwasan ang lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang gagawin sa labas. Huwag kalimutan ang pagsusuot ng face masks, mag-practice ng social distancing at panatilihin ang kalinisan, ugaliin na laging naghuhugas ng mga kamay. (Tony Miñano Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.