• Tony Miñano Macalisang

Ilegal na tupada sinalakay ng pulisya sa San Agustin, Romblon, isa tiklo


SAN AGUSTIN, Romblon – Isang lalaki ang nahuli ng pulisya matapos salakayin ang ilegal na tupada nitong 1:20 ng hapon ng Enero 24, 2021 sa Sitio Agtagsing, Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon.


Kinilala ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS) ang nadakip na suspek na si Randy Alonsabe De Juan, 32 taong gulang, binata, master baker at residente ng Barangay San Isidro, Santa Maria, Romblon.


Ayon sa imbestigasyon ng San Agustin MPS, may natanggap na sumbong ang kanilang opisina tungkol sa umanoy nagaganap na ilegal na pasabong (tupada) sa nasabing lugar. Dahil sa naturang ulat ay agad na kumilos ang mga tauhan ng San Agustin MPS kasama ang 2nd Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company at pinuntahan ang nasabing lugar kung saan ay kanilang nakita ang grupo ng mga kalalakihan na aktong nagsasabong. Napansin naman ng mga nagsasabong ang pagdating na mga kapulisan at nagkaripasan ang mga ito ng takbo papunta sa direksyon ng kakahuyan upang magtago at hindi maaresto.


Narekober sa ginanapan ng tupada ang isang sasabunging manok na may nakakabit na tari at pera na itinaya na halagang limang daan piso (P500.00).


Ang suspek at mga nakumpiskang manok at pera ay dinala sa himpilan ng San Agustin MPS para sa imbestigasyon at kaukulang disposisyon.


Nahaharap ang nahuling suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 na inihahanda ng pulisya na isampa sa Provincial Prosecutor’s Office. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.