• Tony Miñano Macalisang

Isang buwan na sanggol na anak ng LSI sa Alcantara ng positibo sa COVID-19


ALCANTARA, Romblon – Nagpositibo sa isinagawang RT PCR test ang isang buwan na sanggol na anak ng umuwing LSI sa bayan ng Alcantara, Romblon.


Ang pasyente ay dumating sa Alcantara (Tablas Airport) lulan ng Cebu Pacific Flight No. DG-6073 na may sakay na dalawampu’t limang (25) pasahero kasama ang kaniyang nanay at tagapag-alaga (yaya) noong Hulyo 5, 2020 na kung saan ay inilagay ang tatlo sa Home Quarantine sa Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon.


Nakitaan ng pagdevelop ng sintomas (nagsusuka) ang bata noong Hulyo 7 at agad itong dinala sa Don Modesto Formilleza, Sr Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon noong araw ding iyon.


Dahil sa kalagayan ng bata ay isinailalim ito sa RT-PCR o "Swab Test" noong July 8, 2020. At base sa isinagawang laboratory test sa sanggol ay napagdesisyunan na ilipat ang pasyente sa isang tertiary hospital kung kaya’t ibiniyahe ang pasyente noong Hulyo 10 sakay ng barko ng Montenegro Shipping Lines at dinala sa National Children's Hospital kung saan ito nakaadmit at ginagamot.


Lumabas ang resulta na Positive sa swab test ng pasyente nitong gabi lamang ng Hulyo 12, 2020.


Ayon sa pamunuan ng Dr. Edna M. Lingatong Memorial Clinic - Alcantara RHU, kasalukuyan umanong isinasagawa ang contact tracing sa mga nakasabay ng bata sa eroplano pati sa pagbaba ng mag-ina sa kanilang bahay hanggang sa pinagdalhang hospital at sinakyang barko.


Sa advisory naman ng Looc LGU ay merong pitong (7) LSI na taga Looc ang nakasabay ng pasyente na bumiyahe sa eroplano at sa ngayon ay wala naman umanong sintomas. Sila daw ay ililipat na sa isolation facility galing sa quarantine facility at hihintayin pa ang advise ng DOH for swab testing.


Pinaalaala rin ng Looc LGU na ang pamunuan ng Don Modesto ay maigting na nagpapatupad ng health protocols kasama ang pagsusuot ng hazard material suit, gayundin din ang kanilang mga frontliners sa kanilang mga pasilidad.


Ayon naman sa Alcantara Rural Health Unit, patuloy umano nilang ginagawa ang Minimum Health Standards para sa kaligtasan at pinapayuhan ang lahat na sumunod sa pinapairal na protocol at kung may dinaramdam ay magpatingin agad sa doctor at maging mahinahon at makiisa sa kinaukulan.


“Pinapayuhan po ang lahat na huwag munang lumabas, manatili po tayong maging maingat sa sarili, lalong-lalo na tuwing lalabas ng bahay pag may kailangang ayusin o pupunta sa lugar na maraming tao.

Ugaliing magsuot ng facemask tuwing lalabas. Panatilihin ang 1 metro na layo sa ibang tao. Palaging maghugas ng kamay. Panatilihin ang malusog na pangangatawan. At pag may mga sintomas magsanguni kaagad sa inyong BHERTs at sa RHU at manatili po tayong kalmado at makiisa sa hangaring malampasan ang pagsubok na ito,” ayon sa pamunuan ng Alcantara RHU.

(Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.