• Tony Miñano Macalisang

Isang Dutch national bumangga sa nakaparadang sidecar, patay


ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang Dutch national na aksidenteng nabangga ang nakaparadang sidecar sa tabi ng kalsada sa Barangay Anahao, Odiongan, Romblon kahapon ng 6:16 na gabi, Disyembre 6, 2020.


Kinilala ang biktima na si Jan Karel Kleijn, 59 taong gulang, Dutch national at pansamantalang nakatira sa Barangay Bunsoran, Ferrol, Romblon, habang ang nagmamaneho ng motorsiklong may sidecar na Barako 175 na walang plaka ay nakilala na si John Denver Galiza Faminial, 25 taong gulang, may kinakasama, matador at residente ng Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), sa nasabing petsa, oras at lugar, ang motorsiklong Rusi 200 na walang plaka na minamaneho ng biktima ay binabaybay ang kahabaan ng national road papunta sa bayan ng Ferrol, Romblon kung saan ay aksidente nitong nabanga ang likurang bahagi ng motorsiklong may sidecar na nakaparada sa tabi ng kanang bahagi ng kalsada at dahil sa pagkasalpok ay tumilapon ang biktima na nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang ulo.


Agad naman itong isinugod sa Romblon Provincial Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring manggagamot na si Dra. Isula Fajarito.


Napag-alaman, na bago maganap ang nasabing insidente ay ipinarada ni Faminial ang kanyang minamaneho na motorsiklong may sidecar sa tabi ng kalsada upang bumili ng sigarilyo sa tindahan na nasa harap ng kalsada.


Dahil sa pangyayari dinadala ang driver ng sidecar na si Faminial sa Odiongan MPS at ngayon ay nasa kustodiya ng nasabing himpilan at isailalim sa karagdagang imbestigasyon. Kasama rin sa dinala ng mga nagrespondeng mga tauhan ng Odiongan MPS ay ang dalawang sasakyan na sangkot sa naturang aksidente. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.