• Tony Miñano Macalisang

Isang lalaki nabundol ng motorsiklo na walang ilaw sa Magdiwang, Romblon, patay


MAGDIWANG, Romblon – Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos na masagasaan ng motorsiklo dakong 12:40 ng madaling araw ng Enero, 1, 2021 sa Sitio Bagumbayan, Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.


Kinilala ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS) ang biktima na si Elbert Delgado Royo, 55 taong gulang, may-asawa, driver at residente ng Sitio Bagumbayan, Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon at ang nakabundol na suspek na nakilalang si Michel Jim Firmalan, 17 taong gulang, binata estudyante at residente ng Barangay Poblacion, Magdiwang, Romblon.


Sa ulat ng Magdiwang MPS, sa nasabing petsa, oras at lugar, binabaybay umano ni Firmalan ang kalsada sa Barangay Poblacion proper, Magdiwang, sakay ng kanyang motorsiklong RUSI na kulay blue, walang nakakabit na plaka, at walang ilaw papunta sa Sitio Bagumbayan, Barangay Poblacion, Magdiwang at pagsapit sa nasabing lugar ay aksidente nitong nabundol ang biktima na noon ay patawid ng kalsada.


Noong naganap ang aksidente ay nagkataon na nagroronda sina PSSg Terry Raya at Pat Jerick R. Rocha at kanilang nasaksihan ang naturang pangyayari at agad nilang dinala ang walang malay na biktima sa Rural Health Clinic na kalaunan ay dineklarang wala nang buhay ng sumuring doktor na si Dr. Carlo Rey G. Tansionco.


Samantala nagtamo naman ng konting galos at sugat sa katawan si Firmalan na ayon sa pulisya ay nasa ilalim umano ng espiritu ng alak ng maganap ang nasabing aksidente at walang maipakitang lisensya sa pagmamaneho ng sasakyan noong hanapan ng awtoridad.


Dinala ng pulisya sa himpilan ng Magdiwang MPS ang motorsiklo ni Firmalan na masasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. (Tony Miñano Macalisan/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.