ISANG LALAKI, PATAY MATAPOS MAAKSIDENTE SA ODIONGAN


Odiongan, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang lalaki matapos na maaksidente sa motorsiklo dakong alas 8:45 ng gabi, Hulyo 14, 2020 sa Sitio Rapayon, Barangay Patoo, Odiongan, Romblon.


Kinilala ni PSMS Gelven G. Vencer, Hepe ng Investigation Section ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang biktima na si Ace Ruel F. Meñez, binata, residente ng Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.


Sa initial na imbestigasyon ng OMPS, ang biktima ay sakay ng motorsiklo mula sa Barangay Patoo at patungo sa Poblacion ng Odiongan at pagdating sa kurbadang bahagi ng Sitio Rapayon ay nawalan ito ng control sa minamanehong motorsiklo at tumilapon ang biktima sa balkonahe ni Ginoong Jaime Fradejas.


Nagtamo ng sugat sa ulo ang biktima na agad namang dinala sa Romblon Provincial Hospital ngunit idineklara itong DOA o dead on arrival ng sumuri na mangagamot na si Dr. Danilo Tangalan.


Samantala, pinaalalahanan naman ng Odiongan MPS ang publiko na laging mag-ingat sa pagmamaneho at sundin ang mga sumusunod na “Defensive Driving Tips”: Huwag kailanman magmaneho kapag masama ang pakiramdam o sa ilalim ng impluwensya ng alak; Laging magsuot ng helmet; Maging alerto lagi; Huwag magmaneho ng mabilis; at Magmaneho nang may kumpiyansa, hindi agresibo. (AMSoledad)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.