• Tony Miñano Macalisang

Isang LSI na taga Magdiwang nagpositibo sa RT-PCR test


MAGDIWANG, Romblon – Isang locally stranded individual (LSI) na taga Magdiwang, Romblon ang nagpositibo sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.


Ayon sa opisyal na pahayag nina Dr. Rowena Rey Dianco, Municipal Health Officer ng Magdiwang at Mayor Arthur Rey Tansiongco, ang nasabing pasyente ay isa sa anim na LSI ng Magdiwang na sumailalim sa swab test noong Hulyo 22, 2020 at ito ay nagpositibo sa COVID-19.


Ang nasabing LSI umano ay dumating noong Hulyo 16, 2020 sakay ng Starhorse Shipping Lines at pagkababa ng barko ay isinailalim sa rapid test at pagkatapos ay diniretso sa quarantine facility sa Ipil Elementary School.


Ang nasabing pasyente ay asymptomatic o hindi kinakitaan ng anumang sintomas ng COVID habang ito ay nakaquarantine at patuloy na minomonitor ang kanyang kalagayan sa silid.


Sinimulan na ring gawin ng Magdiwang RHU Team ang pagsagawa ng contact tracing sa lahat na nakasalamuha ng pasyente upang matukoy at makapaghanda kung ano ang mabuting gawin. Kanila na ring ipinaalam sa pamilya ng LSI at sa mga kasamahan nito sa Maynila ang kalagayan ngayon ng pasyente.


“Sa mga oras na ito ay nagsasagawa na po ng contact tracing ang ating team sa lahat ng nakasalamuha ng nasabing LSI para matukoy at magawa agad ang mga karapat-dapat na hakbang. Ipinarating na rin ang balitang ito sa magulang ng ating kababayang LSI at naabisuhan na din ang mga kasama niya sa bahay habang siya ay nasa Maynila,” ayon sa Magdiwang RHU Team.

Kanila ring pinakiusapan ang lahat na maging mahinahon at sundin ang mga alituntunin na itinakda para maiwasan ang pagkalat ng COVID sa kanilang lugar.


Anila pa, “Patuloy po natin na ipagdasal ang mabilis na paggaling ng mga nagkasakit ng COVID. Ipagdasal din po natin ang kaligtasan ng lahat lalo na ng ating mga frontliners sa panibagong hamon na kinakaharap.”


At para sa pinakahuling impormasyon ay abangan ang karagdagang anunsyo ang Local na IATF ng Magdiwang na ibibigay ano mang oras para sa mga ipapatupad na mga protocols. (Tony Miñano Macalisang / Romblon SUN Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.