• Tony Miñano Macalisang

ISANG LSI SA CAJIDIOCAN NAGPOSITIBO SA COVID-19


CAJIDIOCAN, Romblon – Isang umuwi na locally stranded individual (LSI) sa bayan ng Cajidiocan ang nagpositibo sa COVID-19 sa isinagawang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.


Ito ang inanunsyo ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ngayong araw Hulyo 11, 2020 na kinumpirma na nagpositibo sa COVID-19 ang nasabing LSI na taga Barangay Cambajao, Cajidiocan, Romblon.


Ayon kay Cajidiocan Sangguniang Bayan member Greggy Ramos, Focal Person, Task Force Covid – 19 Cajidiocan sa kanyang live broadcast sa facebook na ang nasabing LSI ay dumating sa Cajidiocan noong Hunyo 27 galing ng Maynila at isa sa tatlong LSI na isinailalim sa rapid test ngunit negatibo at nitong Hulyo 6 ay nagsabi ito na ang kanyang tatay na kasama niya tinitirahan sa Maynila ay positibo sa COVID-19 noong Hulyo 4.


Dahil sa kanyang ibinalita ay agad nagdesisyon ang PMHO na ipa swab test ang pasyente kung saan ay ibinalita ng PESU na ito ay nagpositibo sa COVID-19. Agad naman inilagay sa Cambajao Barangay quarantine facility ang nasabing LSI.


“Ikinalulungkot kong ibalita na may isang LSI nag nagpositibo sa COVID-19 na taga Barangay Cambajao,” ayon kay SB Ramos.


Ayon pa kay SB Ramos wala namang umanong exposure o naclose contact sa kahit kanino ang nasabing LSI sa Cajidiocan na ngayon ay naka isolate sa Barangay quarantine facility. Tututukan umano ito ng mabuti ng RHU sa pamumuno ni Dra. Tansingco at ng LGU Cajidiocan kasama ang Barangay Cambajao na nakakasakop sa nasabing LSI.


“Wala po itong exposure o close contact sa kahit kaninong mga kababayan niya,” ayon kay SB Ramos.

Pinakikiusapan nito ang kanyang mga kababayan na maging mahinahon, wag magpanic at iwasan ang diskriminasyon at sumunod sa pinag-uutos na protocol ng DOH.


“Sa mga kababayan namin wag tayong magpanic, sapagkat ang pagpapanic at diskriminasyon sa ating bayan ay hindi makakatulong sa ating sitwasyon,” ayon pa kay SB Ramos.


Nanawagan rin ito na kailangan ang pagkakaisa sa panahon ngayon at isantabi muna ang personal na interest at pulitika at kailangan ang magtulungan, magdasal para malampasan ang problema na kinahaharap ngayon ng kanilang bayan, pahayag pa ni SB Ramos. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.