Isyu tungkol sa online barter, nilinaw ng DTI


LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hul. 21 (PIA) -- Nilinaw kamakailan ni Provincial Director Arnel E. Hutalla ng Department of Trade and Industry (DTI) ang isyu hinggil sa usaping ‘online barter’ sa lalawigan.


Niliwanag ni Hutalla na kung personal ang transaksyon, ibig sabihin ay pansariling gamit, ay pinapayagan ito at hindi sisingilan ng buwis ng gobyerno.  Subali’t kung ang transaksyon sa ‘online barter’ ay ginagawang negosyo, kinakailangan na silang mag-rehistro sa DTI upang maging ligal ang lahat ng transaksyon na may kaugnayan sa pagba-barter.


Kung single proprietor, kinakailangang mag-rehistro sa DTI, kung partnership o corporation, kailangan ay mai-rehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) at kung kooperatiba naman ay sa Cooperative Development Authority (CDA).


Gayundin, binigyang-diin ni Hutalla na hindi lamang ang mga nasabing dokumento ang kinakailangang kuhanin.  Aniya, dapat ay may kaukulang permiso mula sa lokal na pamahalaan tulad ng pagkuha ng Mayor’s Permit at kinakailangan ding mag-rehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maging ligal ang lahat ng transaksyon sa pagne-negosyo.


“Ang personal transaction sa online barter ay hindi ipinagbabawal ng gobyerno.  Sana po ay malinaw sa ating lahat ito lalong-lao na iyong mga nasa online barter community dito sa ating lalawigan ng Oriental Mindoro,” pahayag ni Hutalla.  (Luis T. Cueto /PIA-OrMin)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.