• Tony Miñano Macalisang

JUSTICE FOR SP MEMBER MAULION, SIGAW NG PAMILYA


Justice for SP Robert Maulion ito ang sigaw ng kanyang pamilya, kamag-anak, kaibigan, kababayan at mga supporters dahil sa hindi pa nakikilala at nahuhuli ang pumaslang sa biktima.


Halos mag dadalawang buwan na ang nakalipas simulang matagpuan ang bangkay ni SP Robert sa kanyang tahanan sa Brgy. Tabing-Dagat na tadtad ng saksak sa katawan at nakitaan pa ng malaking hiwa sa leeg na maaring siya umanong naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan, at ang mga suspek na may kagagawan sa nasabing krimen ay pawang mga nasa laya pa rin. Maaring namamasyal pa ang mga ito at baka malay nyo, nandiyan lamang sa inyong tabi-tabi, di ba?.


Si SP Robert ay nakitaan rin umano ng mga maliliit na sugat at galos sa kamay at braso na pinapalagay na maaring lumaban din ito at ipinagtanggol ang sarili laban sa pag-atake ng mga suspek. Ngunit ano naman ang magagawa kung halimbawang naunahan ang biktima at napukpok ng matigas na bagay sa ulo, mahihilo nga naman, at may patalim pa ang kalaban, kung saan base sa ginawang awtopsiya sa biktima ay nakitaan ito ng labing-anim na tama ng saksak (16). Wala na talagang magagawa ang biktima. Naging target lamang ito at walang kalaban-laban.


Ayon naman sa pulisya, mayroon na umano silang pinaghihinalaang mga suspek. Hindi lamang umano nag-iisa ang gumawa ng nasabing krimen kay Board Member Maulion at kanilang hinala ay mahigit sa dalawa o tatlo ang suspek na may kinalaman sa nasabing pangyayari.


Ang kapulisan ng Odiongan na siyang may hawak sa kaso ay tuloy-tuloy pa ang masusing pagsusuri at paghanap ng maaring magamit na matibay na mga ebidensiya para matukoy kung sino nga ba ang mga gumawa ng pagpaslang kay SP Maulion.


Katulad ng mga pulis ang mga tauhan ng NBI ay nagsagawa rin ng kanilang imbestigasyon at katunayan isinailalim rin nila ang pag-awtopsiya sa bangkay ng biktima. Maraming tao rin ang kanilang hiningan ng impormasyon at inimbestigahan na maarimg makasagot sa mga katanungan ng dahilan at pagkakilanlan sa mga may kinalaman sa pagkitil sa buhay ni SP Maulion at kung bakit nila ito ginawa sa kanya.


Hindi naman siguro aabutin ng matagal na panahon ang pag-imbestiga para makilala ang mga suspek. Sa malao’t madali at matatapos rin ang pagkalap nila ng mga ebidensiya at magkakaroon na umanong tutumbuking mga suspek para masampahan ng kaso ang mga ito sa piskalya.


Sa isang banda hindi naman agad-agad na makakamit ang inaasam-asam na hustisya para kay SP Robert Maulion dahil ang lahat na ito ay may proseso. Marami pang bagay na mangyayari, na mga gagawin, na tatalakayin at palitan ng mga argumento ang pagdadaanan ng nasabing kaso.


Sa ilalim ng batas hindi naman agad na masasabi kung ang isang suspek ay guilty na. Hindi mo agad mahuhusgahan kung sila ba ay may kasalanan sa mga pangyayari. Hindi rin matiyak agad kung ang suspek na kinasuhan ay siya nang ang tinutukoy na gumawa ng kalapastangan. May sinusunod rin tayong batas na binabasehan ng lahat at maging ang suspek ay may karapatan din na maipagtanggol ang kanyang sarili sa hukuman.


Pero ang mga kamag-anak ng biktima ay may karapatan din na hanapin ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. Sabi nga nila.. Justice for SP Member Robert Maulion!

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.