• Tony Miñano Macalisang

Kagawad tinutukan ng baril sa noo ng isang guwardya ng Provincial Jail sa Romblon


ROMBLON, Romblon – Isang Barangay Kagawad at isang sibilyan ang tinutukan ng baril ng isang Provincial Jail guard kahapon ng alas 7:00 ng gabi, Setyembre 20, 2020 sa Barangay Ilauran, Romblon, Romblon.


Ang mga biktima ay nakilalang sina Christopher Fontilar Bien, 35 taong gulang, may-asawa, Barangay Kagawad at nakatira sa Barangay Li-o, Romblon, Romblon at Rizal Magura Manzo, 21 taong gulang, binata, laborer at residente ng Barangay Ilauran, Romblon, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay kinilala na si Jimmy Riano Feleciano, 29 taong gulang, may-asawa, guwardya ng Romblon Provincial Jail at residente ng Barangay Ilauran, Romblon, Romblon.


Dakong 7:41 ng hapon, kahapon, Setyembre 20, 2020 ng ipinaabot ni Ma. Christine Galicha Corong sa himpilan ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) ang pangyayari na merong tinutukan at nagpaputok ng baril sa naturang lugar ng Barangay Ilauran, Romblon, Romblon.


Pagkatanggap ng tawag agad na nagresponde ang mga tauhan ng Romblon MPS sa pangunguna ni PCPT Gemie Mallen, Hepe ng RMPS, upang beripikahin ang naturang balita.


Sa imbestigasyon ng pulisya ng Romblon MPS napag-alaman na ang biktima na si Barangay Kagawad Christopher Bien ay naghihintay ng kanyang customer sa bahay ni Ma. Christine Corong na magbabayad sa kanya ng utang sa Sitio Lower Lagting, Barangay Ilauran, Romblon, Romblon nang dumating ang suspek na may hawak na baril at sinabihan ang biktima na ihatid umano nito ang suspek sa kanilang bahay. Maya-maya pa, nagbago ang isip ng suspek at binantaan ang biktima na babarilin umano sa noo. Di nagtagal ay umalis ang suspek at pumunta sa kinaroroonang lugar ni Rizal Manzo na di kalayuan sa bahay na kinaroroonan ni Kagawad Bien. Sinabihan rin ng suspek si Manzo na ihatid ito sa kanilang bahay ngunit hindi sumunod si Manzo at sinabihan ang suspek na wala siyang motorsiklo na gagamitin para ihatid ang suspek kaya’t nagalit ang suspek at itinutok nito ang dalang baril sa noo ni Manzo at nagbanta na ipuputok ang baril. Ilang sandali pa, umalis ang suspek sa naturang lugar, at nakarinig na lang ang mga biktima ng apat na putok ng baril na diumano ay ipinutok ng suspek.


Pagkatapos na makakuha ng mga importanteng impormasyon tungkol sa nasabing insidente ang mga tauhan ng Romblon MPS ay nahuli ng kapulisan ang suspek dakong 9:20 ng gabi ng Setyembre 20, 2020 sa ginawang hot pursuit operation ngunit hindi na narekober ang baril sa posisyon ng suspek.


Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Romblon MPS para sa kaukulang dokumentasyon at kaukulang disposisyon.


Kasong Attempted Murder at Grave Threat ang inihahandang isampa ng Romblon MPS laban sa suspek sa Provincial Prosecutor’s Office. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.