• Romblon Sun

Kalansay ng tao natagpuan sa loob ng kuweba sa Corcuera, Romblon


CORCUERA, Romblon – Mga nagkalat na buto ng tao natagpuan sa loob ng Kuweba sa Sitio Poyo, Barangay Mahaba, Corcuera, Romblon dakong hapon ng April 9, 2021.


Ayon sa ulat ng Corcuera Municipal Police Station (CMPS), nakatanggap umano sila ng tawag mula kay Barangay Chairman Michael F. Fronda ng Barangay Mahaba, Corcuera, Romblon tungkol sa natuklasang kalansay ng tao nina Barangay Kagawad Noel Fajardoza, 59 taong gulang, at ng kanyang anak na si Dexter Fajardoza, 28, at mga kasamahang pinsan habang namamasyal sa naturang kuweba.


Kaagad namang nagresponde ang mga tauhan ng Corcuera MPS at kasama ang mga opisyal ng barangay ay kanilang pinuntahan ang nasabing lugar kung saan ay kanilang nakita ang mga nagkalat na buto ng tao sa loob ng kuweba. Agad na isinagawa ng kapulisan ang dokumentasyon, pagkuha ng mga litrato, at pagkolekta ng mga pira-pirasong mga buto para sa posibleng pagkakikilanlan sa naturang biktima.


Kasalukuyan nasa kustodiya ng Corcuera MPS ang mga nakuhang kalansay sa loob ng kuweba at ito ay kanilang ikukumpara sa matagal nang nawawalang tao na si Margelito Falcatan Faderagao na nangyari noong Agosto 21, 2015 at huling nakita sa Barangay Colong-colong, Corcuera, Romblon malapit sa barangay kung saan natagpuan ang nasabing mga buto ng tao.


Ang nakuhang kalansay ay ipapadala ng Corcuera MPS sa PNP Crime Laboratory para isailalim sa eksaminasyon at matukoy ang pagkakilanlan nito. (Romblon Sun Online)

ADVERTISE WITH US!.png