• Tony Miñano Macalisang

Kauna-unahang LSI na nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng San Andres, kinumpirma


SAN ANDRES, Romblon – Malungkot na ipinabatid ng RHU San Andres ang unang kaso ng locally stranded individual (LSI) sa bayan ng San Andres, Romblon na dineklarang nagpositibo sa COVID-19 ngayong araw.


Ang nasabing LSI ay unang nang nagpositibo sa Rapid Diagnostic Test sa IgM at IgG na isinagawa noong Hulyo 29, 2020 at kinabukasan, Hulyo 30, 2020 ay ipinasailalim naman ito sa swab test at ipinadala ng Provincial Epidemiology Survillance Unit (PESU) ang sample sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at naging person under monitoring (PUM) ng RHU San Andres.


Ayon sa RHU-San Andres kasalukuyang nanatili sa Quarantine Facility ang nasabing PUM at araw-araw itong minomonitor ng mga Health Care Workers.


Naisagawa na rin umano ang contact tracing sa nasabing PUM at inilagay na rin sa Quarantine facility ang mga direktang nakasalamuha nito.


Kanila ring ipinaabot ang kanilang isinagawang paraan sa Provincial DOH Office at sa PESU kung saan ay sila ay pinayuhan na ipagpatuloy ang pagmonitor sa mga na close contact ng pasyente na ngayon ay nasa quarantine facility at agarang isasagawa ang swab test sa mga ito.

Hinihingi rin ang RHU San Andres ang pang-unawa, maging kalmado, huwag magpanic at pinaalalahanan ang mga residente na iwasan ang lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang mga gagawin.


Anila pa, kailangan na magtulungan at iwasan ang anumang diskriminasyon sa mga Frontliners, Health Care Workers na naatasang magmomonitor sa kalagayan ng mga PUM na nasa quarantine facility.


“Kailangan po namin ang inyong tulong at pang-unawa, iwasan po natin ang diskriminasyon sa ating mga Frontliners, Health Care Workers na direktang nagmomonitor sa ating mga PUM,” ayon sa RHU San Andres.


Kanilang panawagan na magkaisa at ipagdasal ang kaligtasan ng munisipyo lalo ang mga Frontliners na ginagawa ang lahat para maging ligtas ang mamamayan ng San Andres. (Tony M. Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.