KINSENAS


Kinsenas ang sistema ng pasweldo sa mga manggagawa na dalawang beses ang bigayan sa loob ng isang buwan. Katumbas ito ng kalahating buwan na sweldo, kapwa sa mga tinatawag na daily o monthly paid employees. Meron ding lingguhan ang bigayan ng sweldo, depedende sa employer. Pero ang karamihan ay kinsenas ang bigayan.


Bakit ganito ang sistema, eh pwede namang arawan ang bigayan o kaya ay buwanan di ba?


Una, hindi papayag si employer na arawan ang sweldo mo dahil bukod sa matrabaho sa parte nya na bigyan ka ng pera araw-araw, ang totoo niyang sasabihin ay wala pa akong pampasweldo sa iyo ngayon. Gets? Kasi hindi pa nabebenta sa merkado ang produktong gawa mo. Ibig sabihin, wala pang pondo kaya magpondo ka muna. Gets ulit?


Sa madaling salita, kung iipunin muna ni boss ang pampasweldo sa iyo, lalabas ikaw din ang nagpasweldo sa sarili mo makaraan ang dalawang linggo o isang buwan mong pagtatrabaho. At ang sikreto, kasama mo na siyempre si boss na kumita sa 80-96 oras mong pagtatrabaho.


Ikalawa. Hindi ka rin naman papayag na buwanan ang sweldo mo dahil mamatay ka sa gutom sa kalagitnaan pa lamang ng linggo o ng buwan. Dahil sweldo ang paraan mo para i-reproduce ang katawan mo para muli kang makapasok kinabukasan. Bukod pa ito sa may pamilya kang binubuhay araw-araw. Ibig sabihin, kung hindi sisiguruhin ni boss na makakabalik ka sa trabaho kinabukasan, mamamatay din ang kanyang negosyo.


So, malinaw na po siguro ito ano? Mabuhay ka, dahil sa loob ng isang kinsenas na pagtatrabaho ay binuhay mo ang iyong sarili, ang iyong pamilya, at maging ang iyong boss. Mali ang lohika, kung gayon, kung sasabihin ni boss na sa loob ng isang kinsenas ay binuhay kita. Mali dahil mas tamang sabihin na boss, sa loob ng isang kinsenas ay binuhay din kita lagpas pa nga sa halagang kinita ko. Gets?


Pero iwanan muna natin ang misteryoso ngunit makatotohanang bagay na ito sa ilalim ng sistemang kapitalismo. Balikan natin ang usapang kinsenas.


Hindi na lamang sweldo ang pinag-uusapan ngayon kapag naririnig natin ang salitang kinsenas. Lalo na at marami na sa ating mga frontliner at backliner ang nawalan ng kinsenas mula nang mawalan ng trabaho. Ang kinsenas ngayon ay naging kalendaryo na lamang ng ibat-ibang CQ o community quarantine. ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ, at iba pang katawagan, na inaabangan ng lahat tuwing kinsenas.


Pero hindi natin masyadong natatanong, bakit nga ba kisenas ang laging usapan sa CQ? Ano ang basehan nito? Para saan ang dalawang linggo sa paglaban sa COVID-19?


Hindi ko rin alam ang paliwanag sa kalendaryong ito at wala rin akong naririnig na opisyal na paliwanag tungkol dito. Apat na buwan na tayong hinati-hati sa kinsenas pero wala naman itong kinalaman sa pagtaas o pagbaba ng kaso ng COVID.


At kung ang sistema ng kinsenas na pasweldo ay may malinaw na lohika, dito ay hindi alam kung ano ang inaabangan ng mga tao mula nang maghigpit at magluwag, magluwag at magluwag pa, at kung anu-ano pang polisiya na binabagu-bago matapos ang isang kinsenas.


Mayroon bang gustong magpaliwanag tungkol dito?

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.