• Tony Miñano Macalisang

Konsehal ng Cajidiocan pinagtangkaang tagain ng kamag-anak


CAJIDIOCAN, Romblon – Pinagtangkaang tagain ng isang senior citizen ang konsehal ng bayan ng Cajidiocan kahapon ng 6:20 ng hapon, Setyembre 14, 2020 sa Barangay Marigondon, Cajidiocan, Romblon.


Kinilala ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS) ang biktima na si Benito Romero Male, 43 taong gulang, may-asawa at Sangguniang Bayan member at residente ng Barangay Poblacion, Cajidiocan, Romblon, samantalang ang itinuturong suspek ay napag-alaman na si Harrison Rayos Male, 73 taong gulang, may-asawa at residente ng Barangay Marigondon, Cajidiocan, Romblon.


Ayon sa nakalap na impormasyon ng mga tauhan ng Cajidiocan MPS, sa nasabing petsa, oras, nasa kanyang manukan umano sa Barangay Marigondon si Konsehal Benito Male kasama si Kagawad Francisco Rañen na kanyang katiwala sa nasabing manukan ng dumating ang suspek na si Harrison Male kasama ang kapatid nito na umano ay nasa ilalim ng espiritu ng alak at eskandalosong hinarap si Konsehal Male. Pinayapa naman ni Konsehal ang suspek at pinayuhan na umuwi na sa kanilang bahay ngunit pagkalipas ng ilang minuto ay bumalik ang suspek na matandang Male na mayroon nang dala-dalang armas na itak na kung saan ay inundayan umano nito ng taga si Sangguniang Bayan member Male ngunit maagap namang inagaw ni Kagawad Rañen ang itak sa matandang suspek at agad na inaresto ito.


Sa puntong ito, tinawagan ni Konsehal Male ang Cajidiocan MPS upang ipaabot ang pangyayari sa nasabing lugar na agad namang nagpadala ng kanilang mga tauhan. Pagdating ng pulisya ay ipinagkatiwala na ni Kagawad Rañen ang suspek sa mga kapulisan, kasama ang ginamit na itak sa tangkang pananaga sa biktima.


Nahaharap umano sa kasong attempted murder ang suspek, ayon sa pulisya.


Bago dalhin sa kanilang estasyon ipinaalam naman ng mga tauhan ng Cajidiocan MPS sa suspek ang mga karapatan nito sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.