KUNG MAG-AALAGA NG ASO, HUWAG HANGGANG SA TUTA LANG


Maraming amiyenda na ang Dog Control Ordinance. Salamat po at patuloy na pinapakinggan ang ating mga hinaing at isyu na dinadala sa ating mga kinauukulan tungkol sa pa-aalaga ng aso. Ito ang dapat bigyan ng ngipin, mga batas na dapat mismong ang mga Lokal na Pamahalaan ang magpapatupad. Bagaman at may mga ordinansa na hindi naman ipinapatupad. Malaking bagay ito para sa mga mag-aalaga ng aso at sa ordinaryong mga mamamayan na nagiging biktima ng mga asong gala na pinababayaan ng mga may-ari.


Kalimitang sinasabi ng mga animal lovers, “The dog is the man’s best friend.” Tama yan dahil maraming mga may-ari ng aso na ang turing sa alaga nila ay hindi lang kaibigan kundi miyembro na ng pamilya at ang iba ay kasa-kasama na talaga sa tulugan. Nakakagamot din ng stress at iba pang karamdaman ang pag-aalaga ng aso. Pero talagang papel ng aso ay bantay ng bahay.


Kalimitan sa mga nakikita ko ay tuwang-tuwa ang mga bata at matanda kapag maliit pa o tuta pa lang ang aso. Cute daw kasi. Pero pagmalalaki na pinababayan nang gumagala at hindi pinapakain ng maayos. Maniniwala ba kayo na ayon sa survey ang kalimitang biktima ng kagat ng aso ay mga may-ari nito at mga bata? Kasi nga magandang laruin ang mga aso habang tuta pa lang. Bukod sa cute ay madali silang turuan ng mga tricks. Katunayan maraming aso ang pinagkakakitaan sa mga karnibal at dog show. Malaking tulong din ang mga aso sa paghahanap ng mga biktima ng kalamidad o paghahanap ng mga kotrabando o illegal na bagay, shabu o mariuana. Katunayan yong mga nasabat na droga sa mga steel lifter containers ay aso ang naka detect.


Higit sa lahat, aso ang nagkumpirma na may droga ang bakal na lalagyan at hindi puwedeng magsinungaling ang mga ito. Mas sinungaling ang tao kaysa aso.

Marami akong nakikitang mga responsabling nag-aalaga ng aso. Maganda talagang libangan ang pagaalaga nito. Naipapasyal mo araw-araw. Kaso baka wala kang ginagawa sa bahay at cellphone at aso na lang ang libangan mo, kawawa ka naman.


Marami din akong nakikita na alagang-alaga yong aso habang cute at maliit pa. May magandang higaan, masarap na pagkain at palaging pinapaliguan, pinatutuyo at sinusuklay pa at ginugupitan ng buhok at kuko habang maliit pa ang tuta. Kasi kalaro ng mga bata. Pero, mabalitaan ko lang nagpaturok ang bata ng anti-rabies dahil nakagat daw ng aso. Ang mahal ng bakuna ng anti rabies. P1,200,00 ang isang vial. Tatlong beses na tuturukan ang isang nakagat ng aso. Kaya bale P3, 600.00 ang magagastos ng isang dog bite victim.


Sabi nila libre daw sa Hospital ang Anti-rabies vaccine. Hindi puwedeng libre. Mapopordoy ang gobiyerno. Yong nanay ko nakalmot ng tuta pinabakunahan namin at nagbayad ng P1,200.00 at isa pang P600.00 para sa 3 turok ng bakuna. Walang libre ngayon. Kaya ang leksyon dito; MAG-INGAT SA ASO, KAHIT ALAGA MO.


Maraming naaaksidente ngayon dahil sa aso, lalo na yong mga mabibilis magpatakbo ng motorsiklo sa ating mga lansangan. Palibhasa maganda na ang mga lansangan ngayon at kongkreto na, siyempre masarap magpatakbo ng mabilis lalo na at bago ang motorsiklo. Pero kuwidaw ka at baka biglang may susulpot na aso sa kalsada na naghahabulan. Disgrasya, orthopedic o sementeryo ang pupuwedeng puntahan ng biktima. Sino ang may sala, ang aso? Hindi naman puwedeng ipakulong ang aso at papanagutin sa mga gastusin sa hospital lalo at hindi matukoy. Kaya ang may-ari ang may pananagutan.


Ito dapat ang isa sa mga provision ng Dog Control Ordinance. Kaya mahalaga na sa bawat barangay ay may Dog Population Survey at dapat ipinatutupad ang Municipal Dog Control Ordinance ng istrikto. Kukunin ang pagkakakikilanlan ng aso, kulay, edad, kasarian at may litrato na nakalagay sa listahan sa barangay. Dahil dito madaling makilala ang aso at ang may-ari pagnagkaroon ng aksidente o nakakagat ang alagang aso. Ginagawa na ito sa Barangay Mayha sa pamumuno ni Hon. Bry. Captain Adrian F. Fornal. Saludo ako sa iyo, Cap.


Mayroong pananagutan ang bawat may-ari ng aso. Mabuting kasama ang aso kung tama ang pag-aalaga mo. At hindi pinababayaan na gumala at nakikikain lang sa mga basurahan at kapitbahay. Magaling na bantay din ang aso kaysa kumuha ka ng security guard o watchman. Unang-una, hindi maghihingi ng Minimum Wage ang aso at magrereklamo sa DOLE pagmababa ang suweldo at walang 13th month pay. Hindi mo kailangan ipaenroll sa SSS at Philhealth ang alaga mo kumpara sa taong empleyado. Wala ding kinikilala at prinoprotektahan ang asong bantay maliban sa may-ari at nag-aalaga sa kanya. Kaya walang inside job sa mga babuyan at manukan na may asong bantay. Hindi nagsisinungaling ang aso kumpara kay Director Aquino ng PDEA.


Kaya nararapat lang na alagaan ito simula sa pagiging tuta hanggang sa pagtanda niya. Ito ang mga dapat gawin. Huwag bibigyan ng pagkaing may matigas na buto ng karne dahil hindi kayang lunukin at baka mabilaukan ito. Huwag bibigyan ng mga tocino, longganisa o hot dog dahil allergic sila sa ganyang mga pagkain. Huwag ding bibigyan ng mga pagkaing may tsokolate dahil allergic din sila sa chocolate. Huwag paliguan ang aso kung malamig o masama ang panahon dahil mahina sila sa lamig. Purgahin ang aso minsan sa isang taon at gamitan ng mga pamatay pulgas o kuto na sabon o shampoo. Pabakunahan laban sa Rabies bawat taon ang alagang aso. Ikulong o talian ang alaga at huwag hayaang pagala-gala. Huwag pabayaang kumain ng bulok na pagkain ang iyong alagang aso.


Bakit ako ang kailangang mag-iwas sa dumi ng aso mo. Responsibilidad yan ng may-ari. Kung pakalat-kalat ang iyong aso, walang puwang na mag-alaga ka nito. Ipamigay o ipaampon sa iba. DUMI NG ASO MO, LINIS MO. ASO MO, RESPONSIBILIDAD MO.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.