• Romblon Sun

Lalaki binaril sa loob ng kanilang bahay sa Odiongan, Romblon


ODIONGAN, Romblon – Naghahanda nang matulog ang buong pamilya sa kanilang bahay ng barilin ang biktima habang nasa loob ng kanilang kuwarto dakong 10:30 kagabi, Marso 16, 2021 sa Sitio Tabla, Barangay Amatong, Odiongan, Romblon.


Kinilala ang biktima na si Villamor Fornal Galangera, 63, may-asawa, magsasaka, habang ang itinuturong suspek ay si Rodel Gabute Fornal, 48, may-asawa, karpentero, at kapwa residente ng Barangay Amatong, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon na isinagawa ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), napag-alaman na nasa loob na ng bahay ang biktima at naghahanda nang matulog ng makarinig ito ng dalawang putok mula sa labas ng kanilang bahay kung kaya’t mabilis itong nagkubli sa ilalim ng kanilang kama, at kinuha ang flashlight at inilawan ang bintana ng kanilang bahay kung saan galing ang narinig na putok ng baril. At sa naturang lugar ay nakita umano nito ang isang lalaki na lumingon at tumakbo papalayo na may bitbit na baril na kanyang nakilala, na si Rodel Fornal, ang suspek na kanyang kapitbahay.


Nagtamo ng tama ng bala sa magkabilang paa ang biktima na dinala sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.


Samantala, nagsagawa naman ng follow-up operation ang Odiongan MPS kung saan ay nahuli ang nasabing suspek sa labas ng kanilang bahay sa nasabing barangay at binasahan ito ng kanyang karapatan sa ilalim ng Saligang Batas at pagkatapos ay dinala sa himpilan ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.