• Romblon Sun

Lalaki natagpuang nakabitin sa puno ng mangga sa Odiongan, Romblon


ODIONGAN, Romblon – Isang lalaki ang natagpuang nakabitin sa puno ng mangga dakong 10:15 ng umaga, kahapon, Marso 29, 2021 malapit sa national road sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon.


Nakilala ang biktima na si Pedrinie, 54 taong gulang, drayber at residente ng Barangay Rizal, Odiongan, Romblon.


Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), natagpuan umano ng misis ng biktima na si Jocelyn ang nakabitin na katawan ng kanyang asawa sa puno ng mangga na may nakapulupot na strap palibot sa kanyang leeg.


Agad naman itong isinugod sa Isiah Hospital sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon ngunit idineklara itong wala nang buhay (DOA) ng sumuri na doctor.


Ayon sa pahayag ng misis ng biktima sa Odiongan MPS, bago pa umano nangyari ang nasabing insidente, ay lagi umanong nagrereklamo ang kanyang mister sa dinaramdam nito na masakit ang tiyan, ang problema sa kanilang kapitbahay at ang kahirapan.


At kahapon ay binisita umano ng biktima ang kanilang lupa na ginagawa nito halos araw-araw upang linisin ang nasabing lote. Hinatiran pa umano niya ng salabat ang kanyang mister upang mapagaan ang dinaramdam na sakit ng tiyan ngunit nabungaran na lang nito ang nakabitin na katawan ng asawa sa puno ng manga.


Sa pagsiyasat ng Odiongan MPS sa katawan ng biktima, maliban sa natamo na markang korteng V sa kanyang leeg ay wala nang makita na ibang galos sa katawan.


Hiniling rin ng mga awtoridad sa Odiongan Rural Health Unit ang pagsagawa ng Post Mortem eksaminasyon sa bangkay ng biktima. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.