• Romblon Sun

Lalaki sa Banton, Romblon natagpuang nalunod sa dagat


BANTON, Romblon – Isang lalaki ang natagpuang nalunod sa dagat dakong 8:30 ng umaga nitong Biyernes, sa Purok Pinagkaisahan, Barangay Poblacion, Banton, Romblon.


Ang biktima ang nakilalang si Amado Fadriquela Machon, 46, magsasaka at residente ng Purok Pinagkaisahan, Poblacion, Banton, Romblon.


Sa imbestigasyong isinagawa ng Banton Municipal Police Station (BMPS), bago nangyari ang nasabing insidente ay napansin umano ng asawa ng biktima na si Herlyn Fabregas Machon na may problema ang kanyang mister at kung tatanungin umano niya ito ay hindi sumasagot hanggang sa nag-iiba ang kinikilos nito na hindi naman normal na dating ginagawa ng kanyang asawa.


Ayon pa sa misis ng biktima, umalis umano ang kanyang mister dakong 3:30 ng umaga nitong Abril 24, sa hindi malamang dahilan kung saan ay hinayaan na lang niya ito, dahil sa paniniwala na babalik rin ang kanyang asawa katulad ng dati nitong ginagawa.


Ngunit, noong dakong 8:30 ng umaga ay nakatanggap siya ng balita na natagpuan ang kanyang mister malapit sa aplaya ng Purok Pinagkaisahan, Poblacion, Banton, Romblon na pinaniwalaan na aksidenteng nalunod.

Agad naman humingi ng tulong si Herlyn Machon, sa Banton MPS at narekober ng mga kapulisan ang biktima na walang malay at hindi na humihinga kaya't agad nila itong dinala sa Rural health Unit ng Banton kung saan ay idineklara itong “dead on arrival” ni Dr. Edmund Fababeir, ang sumusuri na doktor ng RHU Banton, Romblon. (Romblon Sun Oline)

ADVERTISE WITH US!.png