• Tony Miñano Macalisang

Lalaki sa bayan ng Alcantara, Romblon, tinaga sa ulo matapos pasukin sa bahay


ALCANTARA, Romblon – Pinasok sa kanyang bahay ang isang binata at tinaga ng suspek dakong 10:20 ng gabi ng Pebrero 3, 2021 sa Barangay Bagsik, Alcantara, Romblon.


Kinilala ang biktima na si Exekiel Antonio Garcia, 21, binata, walang trabaho, habang ang suspek ay nakilala na si Jessielou Antonio Garcia, nasa hustong gulang, may kinakasama at kapwa residente ng Barangay Bagsik, Alcantara, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS) napag-alaman na sa nasabing petsa, oras at lugar habang nakaupo ang biktima sa loob ng kanilang bahay ay biglang dumating naman umano ang suspek na may bitbit na matalas na armas at pumasok sa kanilang bahay na walang permiso.


Pinaniniwalaan na nasa ilalim ng espiritu ng alak ang suspek na kung saan ay kinumpronta ang biktima at nagsabi na, “taga-tagain kita dyan eh!, ibaon kita sa putik!”, at bigla na lang umanong tinaga ng suspek ang biktima.


Nagtamo ng sugat sa kanang bahagi ng ulo at bandang tainga ang biktima habang mabilis na tumakas naman ang suspek pagkatapos ng nasabing pangyayari, sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na armas.


Agad namang dinala sa Rural Health Unit ng Alcantra ang biktima para malapatan ng agarang lunas.


Ikinasa naman ng Alcantara MPS ang manhunt operation sa posibleng pagkaaresto sa nasabing suspek.


Kasong Frustrated Homicide and Trespass to Dwelling ang inihahanda ng pulisya laban sa naturang suspek na isasampa sa Romblon Prosecutor’s Office.


Ang nasabing insidente ay ipinagbigay alam sa Alcantara MPS ni Barangay Kagawad Orbel Eleuterio ng Barangay Bagsik, Alcantara, Romblon dakong 10:30 ng gabi ng Pebrero 3, 2021. (Romblon Sun Online)




ADVERTISE WITH US!.png