• Tony Miñano Macalisang

Lalaki sa San Andres, Romblon tinaga ng kabarangay sa ulo at balikat


SAN ANDRES, Romblon – Nagtamo ng sugat sa ulo at balikat ang isang lalaki matapos na undayan ng taga ng kabarangay nitong 6:30 ng hapon ng Enero 1, 2021 sa Sitio Punta Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon.


Kinilala ang biktima na si Mario Romasanta Quarteros, 53 taong gulang, may-asawa, laborer at residente ng Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon habang ang tinuturong suspek ay nakilala na si Tomas Ferrera Galin, 55 taong gulang, may-asawa, laborer at kabarangay ng biktima.


Sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station (SAMPS), napag-alaman na ang anak ng biktima na si John Mark Glori Quarteros, 25 taong gulang, binata, at ang suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo kung saan ay umuwi ang anak ng biktima at isinumbong sa kanyang ama ang pangyayari. Agad namang sumugod ang biktima (ama) sa kinaroroonan ng suspek na nakipag-inuman sa oras na iyon at kinompronta ito. Sinaway naman ito ng mga nakasaksi at sinabihan ang suspek na umuwi na sa kanilang bahay ngunit sinundan ng suspek ang biktima sa kanilang tahanan kasama ang anak nito at ilang kasamahan. Pagdating sa bahay ng biktima ay tinaga ng suspek ang biktima na tinamaan sa kaliwang bahagi ng ulo at kaliwang balikat at sa puntong yun ay inagaw ng anak ng biktima ang gulok kay Galin (suspek) hanggang sa makuha nito ang patalim sa kamay ng suspek.


Agad namang isinugod ang duguang biktima sa San Andres District Hospital, San Andres, Romblon para sa kaukulang lunas.


Samantala, isinagawa naman ng mga tauhan ng San Andres MPS ang “hot pursuit operation” para madakip ang suspek.


Kasalukuyang inihahanda ng San Andres MPS ang kasong Frustrated Homicide na isasampa sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.