• Tony Miñano Macalisang

Lalaki sa San Fernando (Romblon) nahaharap sa apat na kaso, kalaboso


SAN FERNANDO, Romblon – Isang lalaki ang nahaharap sa reklamong pagtangkang panununog, alarm scandal, direct assault at paglabag sa BP 6 na nangyari noong 4:20 ng hapon ng Agosto 16, 2020 sa Sitio Gutusan, Barangay Azagra, San Fernando, Romblon.


Ang suspek ay kinilala na si Ramilo Royo Recto, alyas Camilo, 47 taong gulang, binata at residente ng Sitio Gutusan, Barangay Azagra, San Fernando, Romblon.


Ang nasabing suspek ay inireklamo nina PSsg Marlon R. Rafol, 39 taong gulang, may-asawa, PSsg Nepthalie I. Fetalino, 42 taong gulang, may-asawa, at PCpl. Robert Forio, 39 taong gulang, may-asawa at pawang mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station (SFMPS).


Sa ginawang imbestigasyon ng San Fernando MPS, sa koordinasyon ng Bureau of Fire and Protection (BFP)-San Fernando napag-alaman na sa nasabing oras, petsa at lugar ay isang nagmamalasakit na mamamayan ang nakapansin sa bahay ni Lucia Royo, kapatid ng suspek, na nasusunog kung kaya’t agad itong ipinaabot sa himpilan ng San Fernando MPS ang pangyayari at inalerto naman ng kapulisan ang San Fernando Fire Station. Wala namang sinayang na sandali ang mga tauhan ng SFMPS at BFP-San Fernando na agad rumesponde sa nasabing lugar at pinagtulungan na apulain ang apoy na kinain na ang bahagi ng bahay ni Lucia Royo.


Samantala, ang suspek na nasa ilalim umano ng espirito ng alak ay gumagawa ng gulo kung kaya’t ito ay pinakiusapan ng kapulisan na kumalma ngunit binalewala ito ng suspek at sa halip ay nagsalita ito ng hindi kanais-nais sa mga kapulisan at hinamon pa ang mga ito ng suntukan.


Sinubukan muli ng kapulisan na kausapin ang suspek na ibaba nito ang hawak-hawak na dalawang armas na patalim sa magkabilang kamay ngunit hindi ito sinunod ng suspek at sinugod pa ng saksak ang mga ito na ikinasugat ni PSsg Nephtalie Fetalino sa kanang kamay at hanggang sa huli ay nagapi rin ng kapulisan ang suspek at ito ay tuluyang inaresto.


Nakumpiska sa suspek ang dalawang patalim at dinala ito sa San Fernando MPS para sa kaukulang disposisyon. (Tony M. Macalisang/ Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.