• Tony Miñano Macalisang

Lalaki sinaksak ng kanyang pinsan sa Romblon, Romblon


ROMBLON, Romblon – Isang lalaki ang nasaksak ng kanyang pinsan matapos ang mainitang pagtatalo nitong nakaraang araw sa Barangay Lamao, Romblon, Romblon.


Kinilala ng pulisya ang biktima na si Librado Rubio Magada, Jr., 35 taong gulang, may kinakasama, tricycle driver at residente ng Barangay Agbaluto, Romblon, Romblon, samantalang ang itinuturong suspek ay ang pinsan nito na si John Lloyd Gayamo, Rubio, 21, estudyante at nakatira sa Barangay Macalas, Romblon, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station (RMPS), sa nasabing petsa, oras at lugar ay magkasamang nag-iinuman ang suspek at ang biktima, kasama ang mga bisita sa bahay ng nanay ng biktima. At dahil sa dala ng epekto ng pag-inom ng alak ay sinadya umanong tinulak ng biktima ang nakaparadang motorsiklo sa labas ng kanilang bahay na pag-aari umano ng isa sa kasamahan ng suspek. Dahil dito ay nakaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at biktima na kung saan ay bumunot umano ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima na nagtamo ng sugat sa likurang bahagi ng kanyang katawan.


Pagkatapos ng nasabing pangyayari ay mabilis umanong tumakas ang suspek sa hindi batid na direksyon dala ang ginamit na panaksak samantalang isinugod naman sa Romblon District Hospital ang biktima para malapatan ng kaukulang lunas.


Di nagtagal, ay naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Romblon MPS ang suspek sa ginawang hot pursuit operation at narekober rin ang ginamit na patalim na may haba na limang pulgada kasama ang hawakan.


Ang nasabing suspek ay nasa ilalim ng kustodiya ng Romblon MPS para sa kaukulang disposisyon.


Kasong Frustrated homicide ang inihahanda ng pulisya laban sa suspek na isasampa sa Romblon Prosecutor’s Office. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.