• Tony Miñano Macalisang

LALAKI TIKLO SA BUY-BUST OPERATION SA ODIONGAN


ODIONGAN, Romblon – Di na nakapalag sa pulisya ang isang lalaking suspek sa illegal na droga matapos isagawa ang pinagsanib na Buy-Bust operation ng PDEA-Romblon, Romblon PPO/PDEU Romblon at Odiongan Municipal Police Station nitong umaga ng Lunes, Hulyo 20, 2020 sa Sitio Tabing-Bundok, Barangay Panique, Odiongan, Romblon.


Kinilala ng Pulisya ang suspek na si Jason V. Fadri, 34 taong gulang, may asawa, driver, at residente ng Barangay Matutuna, San Andres, Romblon.


Sa ginawang imbestigasyon ng Odiongan MPS isang joint operation ang ikinasa ng Odiongan MPS, PDEA-Romblon, PDEU/RPPO at RSCG/PRO MIMAROPA sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA kung saan nakabili ang poseur-buyer sa suspek ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ang halagang isang libong Piso (P1,000.00).


Nakuha rin sa posisyon ng suspek ang isa pang sachet ng pinaghihinalaang shabu, pera, kulay itim na coin purse, tatlong lighters, isang motosiklong Honda CRF 150 na kulay pula at isang bala ng Kalibre 22 na baril.


Ang inventory, pag marka at pagkuha ng mga larawan sa lugar ng operasyon ay sinaksihan ng opisyal ng barangay, ng representante ng NPS at ng media.


Itinanggi naman ng suspek ang nasabing paratang

.

Ang nasabing suspek ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng OMPS para sa kaukulang disposisyon.


Nahaharap ngayon ang suspek sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II of RA 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o kilala na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.