Lalaking lasing at nagmura sa mga pulis, kulong!

Ni Amlsoledad




ODIONGAN, Romblon - Nahaharap ngayon sa kasong Violation of Article 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agents of such Person), Municipal Ordinance No. 2020-17 (Liquor Ban) and Section 9 (e) of RA 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act ) ang isang lalaking nakainom at nagmura sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) sa Barangay, Dapawan, Odiongan, Romblon.


Kinilala ang suspek na si Johnrey Farquerabao, nasa hustong edad at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.


Napag-alaman na ang suspek na si Farquerabao at ang kanyang mga kasamahang lalaki ay nagkukumpulan malapit sa D’ Boss Restaurant sa Sitio Torrel, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at noong dumaan ang nagpapatrolya na mga tauhan ng Odiongan MPS ay bigla na lang nagsitakbuhan ang mga kasamahan nito sa ibat-ibang direksyon at ang tanging naiwan ay si Farquerabao. Sinita ito ng mga kapulisan dahil napansin na wala itong suot na facemask at sinabihan ang suspek na umuwi na sa kanilang bahay. Ngunit imbes na sumunod ay pinagmumura pa nito at dinuro ang mga kapulisan.


Tinangka nitong tumakas gamit ang isang bisikleta ngunit tuluyan na siyang inaresto pagkatapos basahan ng kanyang karapatan. Patuloy pa rin itong nangpapalag sa kapulisan habang papunta sa Romblon Provincial Hospital para sa routine medical examination ng isang naarestong tao. Ang suspek ay pinaghihinalaang nakainom ng alak.


Ang suspek ay nasa kustodiya ng Odiongan Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa kanyang kinakaharap na kaso.


Ang himpilan ng Odiongan Municipal Police Station sa ilalim ng pamumuno ni PCPT Manuel F. Fernandez, Jr., ay muling nagpapaalala sa ating mga kababayan na sundin ang mga umiiral na batas batay sa Modified General Community Quarantine Guidelines at Municipal Ordinances. Gayundin, ang paglaban sa awtoridad ay may kaukulang parusa din ayon sa umiiral na batas.

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.