• Tony Miñano Macalisang

Lalaking lasing nahulihan ng baril sa Odiongan


ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa paglabag sa RA 10591 ang isang lalaking nakunan ng baril nitong 5:00 ng hapon ng Oktubre 5, 2020 sa Sitio Silangan, Barangay Mayha, Odiongan, Romblon.


Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang suspek na si Mark Lowe Mendiola Forteza, 37 taong gulang, may-asawa, foreman at residente ng Sitio Silangan, Barangay Mayha, Odiongan, Romblon.


Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, nakita umano ng isang nagmamalasakit na residente ang suspek na noon ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak na natutulog sa duyan malapit sa kalsada na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang. Inireport umano ito ng nasabing residente sa Odiongan MPS na agad namang nagpadala ng kanilang mga tauhan sa naturang lugar at inimbestigahan ang suspek kung mayroon itong mga kaukulang dokumento tungkol sa pagmamay-ari ng dalang baril. Wala namang maipakitang papeles ang nasabing suspek sa mga awtoridad at naging dahilan ito para arestuhin ng pulisya ang nasabing suspek at kinumpiska sa kanyang posisyon ang isang caliber .38 na revolver na may anim na bala.


Bago pa man ang nasabing insidente, ang nasabing suspek umano ay nagwawala sa naturang lugar habang dala-dala ang nasabing armas.


Ang suspek ay dinala sa himpilan ng Odiongan MPS at inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 na isasampa sa Prosecutor’s Office laban sa nasabing suspek. (Tony Miṅano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.