• Tony Miñano Macalisang

LALAKING MANGINGISDA NATAGPUANG NALUNOD SA DAGAT SA SAN AGUSTIN, ROMBLON


SAN AGUSTIN, Romblon – Isang lalaki ang nakitang patay dakong 8:30 ng gabi ng Agosto 22, 2020 sa karagatan na sakop ng Sitio Canumiang, Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.


Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Randy Espinosa, Sarzona, 48 taong gulang, may-asawa, mangingisda at residente ng Sitio Canumiang, Barangay Cagbo-aya, San Agustin, Romblon.


Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS), napag-alaman na bago mangyari ang nasabing insidente, ang biktima ay umalis umano sa kanilang bahay noong 7:00 ng umaga upang mangisda malapit sa kanilang lugar, ngunit hindi na ito bumalik sa kanilang bahay para kumain ng tanghalian at pati ng hapunan.


Dahil sa pag-aalala, noong 6:30 ng hapon nagpasya si Merry Con Marzonia Magracia, pamangkin ng biktima, kasama ang kanyang mga pinsan na hanapin ang kanilang tiyuhin at kanila itong natagpuan dakong 8:30 ng gabi na nakalubog ang katawan sa tubig at wala nang buhay.


Ayon kay Magracia, pamangkin ng biktima, may karanasan umano ang kanilang tiyuhin na pinupulikat ang paa tuwing mangingisda sa dagat.


Hiniling naman ng mga tauhan ng San Agustin MPS sa Rural Health Unit ng San Agustin na isailalim sa post mortem examination ang bangkay ng biktima upang matiyak ang dahilan ng pagkamatay nito. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.