• Tony Miñano Macalisang

Lalaking may baril pumasok sa bakuran ng isang bahay sa Sta. Fe, maybahay nagtago sa ilalim ng kama


SANTA FE, Romblon – Isang lalaki na may dalang baril ang walang ingay na pumasok sa bakuran ng isang bahay dakong 9:51 ng gabi ng Enero 1, 2021 sa Sitio Centro, Barangay Canyayo, Santa Fe, Romblon.


Kinilala ang may-ari ng pinasok na bahay na si Mary Glen Gusi De Jesus, 47 taong gulang, may-asawa, maybahay, samantalang ang suspek ay napag-alaman na si Junly Gajisan Seraspi, 56 taong gulang, may-asawa, Barangay Tanod at kabarangay ng biktima sa Barangay Canyayo, Santa Fe, Romblon.


Base sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Santa Fe Municipal Police Station (SFMPS), tahimik umanong dumating ang suspek sa bahay ng biktima ngunit nagising ang mga nasa loob ng bahay dahil sa tahol ng kanilang aso kung kaya’t kanilang inusisa kung ano ang nangyayari sa labas ng kanilang bahay. At dito ay kanilang nakita ang suspek na walang ingay na naglalakad paikot ng kanilang bahay at umano’y may bitbit na baril.


Dahil sa takot nagtago ang biktima sa ilalim ng kanilang kama at hindi nila namalayan kung ano ang sumunod na pangyayari hanggang sa umalis ang suspek. Noon na lang nila natawagan ang kapatid ng biktima na si Mark na nakatira malapit sa himpilan ng Santa Fe MPS na humingi ng tulong sa pulisya.


Dakong 10:30 ng gabi nang naipaalam ng kanyang kapatid ang pangyayari kung saan ay agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Santa Fe MPS at hinuli ang suspek na positibong itinuro ng biktima at inirereklamo ng Grave Threats at Trespassing.


Pansamantalang nasa kustodiya ng Santa Fe MPS ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.