• Tony Miñano Macalisang

Lalaking sakay ng motorsiklo nasalpok ang kasalubong na sasakyan, mga sakay dinala sa ospital


ODIONGAN, Romblon - Isang lalaki na nawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan ang nabangga ang kasalubong na motorsiklo dakong alas 11:30 kahapon ng gabi, Setyembre 25, 2020 sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.


Kinilala ang mga naaksidente na sina Bryan Sixon Manoy, 18 taong gulang, binata, helper at ang angkas nito na si Gaudino Bocabay Gadon, 16 taong gulang, binata, helper at kapwa residente ng Barangay Balogo, Calatrava, Romblon na sakay ng motorsiklong kulay puti na SYM at ang sakay ng motorsiklong kulay pula na Motorstar 125 ay nakilala na si Rennel Merran Corpin, 20 taong gulang, binata, laborer, at nakatira sa Barangay Panique, Odiongan, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) binabaybay umano ni Manoy at ng kanyang angkas na si Gadon ang kahabaan ng national road galing sa bayan ng Calatrava patungo sa bayan ng Odiongan habang si Corpin naman na sakay ng kanyang motorsiklo na umano’y nakainom ng alak ay galing sa Odiongan na kung saan pagdating sa bandang Barangay Libertad ay nawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo at napagawi sa kabilang linya na naging dahilan para mabangga ang kasalubong na motorsiklong sinasakyan nina Manoy at Gadon na dahil sa pagkasalpok ay tumilapon ang mga sakay sa kalsada at ganoon din si Corpin na parehong nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.


Isinugod naman kaagad ng mga nagmalasakit na mga residente ang mga naaksidente sa Romblon Provincial Hospital (RPH) para mabigyan ng agarang lunas.


Ang mga motorsiklong sangkot sa aksidente ay dinala ng mga tauhan ng Odiongan MPS sa kanilang himpilan para sa kaukulang disposisyon. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.