• Tony Miñano Macalisang

Lalaking sangkot sa ilegal na droga, timbog sa buy-bust sa Santa Fe, Romblon


SANTA FE, Romblon – Hindi na nakapalag ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation laban sa ilegal na droga na ikinasa ng kapulisan nitong 12:10 ng hapon ng Oktubre 9, 2020 sa Barangay Poblacion, Santa Fe, Romblon.


Ang inarestong suspek ay kinilala ng pulisya na si Joel Pili Loyola, 33 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Poblacion, Santa Fe, Romblon.


Sa imbestigasyon ng Santa Fe Municipal Police Station (SFMPS), napag-alaman na sa nasabing oras, petsa, at lugar, isang pinagsanib na operasyon ang ikinasa ng mga operatiba ng PIU/PDEU Romblon, PDEA Romblon at MDEU Santa Fe MPS at isinagawa ang buy-bust operation kung saan ay isang nagpanggap na buyer ang nakabili sa suspek ng isang sachet na pinaghihinalaang “shabu” na may timbang na 0.1 gramo kapalit ang halagang P500 na ginamit bilang buy-bust money.


Ang nakuhang mga ibedensya sa suspek ay sinaksihan nina Hon. Dioleto M. Gallamo, Jr., at Hon. Hermelindo B. Sarito na kapwa opisyal ng Barangay Poblacion ng Santa Fe, Romblon.


Ang nasabing suspek ay nasa kustodiya ng Santa Fe MPS at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 Article II ng RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihahandang isampa ng kapulisan sa Prosecutor’s Office laban sa naturang suspek.


Wala pahayag ang suspek. (Tony Miῆano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.