• Tony Miñano Macalisang

Lalaking senior citizen sa Romblon wala ng buhay ng matagpuan sa loob ng kanyang kuwarto


ROMBLON, Romblon – Isa nang malamig na bangkay ng matagpuan sa loob ng kanyang tinutulugang kuwarto ang isang lalaking senior citizen sa Barangay III-Poblacion, Romblon, Romblon noong 8:45 ng umaga ng Disyembre 7, 2020.


Kinilala ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) ang biktima na si Ramon Macabata Muros, 68 taong gulang, may asawa, walang trabaho at residente ng Barangay III-Poblacion, Romblon, Romblon.


Ayon sa Romblon MPS nakatanggap umano sila ng tawag mula kay Barangay Chairman Jusel Maduro ng Barangay III-Poblacion tungkol sa nasabing pangyayari at agad namang nagresponde ang kapulisan sa pangunguna ni PLT Hilario V. Eugenio, DCOP ng Rombon MPS upang beripikahin ang nasabing ulat.

Sa imbestigasyon ng Romblon MPS, dakong 8:45 ng umaga nagtataka umano ang hipag at kapitbahay ng biktima na si Welen Magpusao Manzano, 55 taong gulang, kung bakit hindi umano lumabas ng bahay ang kanyang bayaw na si Ramon Muros (biktima) na hindi naman nito nakagawiang ginagawa. At dahil sa kanyang pag-aalala ay sumilip ito sa bintana ng kuwarto ng kanyang bayaw at kanyang nakitang nakahiga ang biktima sa kama. Sinubukan niya itong tawagin ngunit hindi sumasagot ang biktima. Agad naman itong nagpasya na puwersahin nang buksan ang pintuan ng bahay ng biktima upang malaman ang kalagayan nito. Pagdating sa loob ng kuwarto ay napansin ni Manzano na hindi na humihinga ang biktima kung kaya't tumawag ito ng saklolo.


Nakipag-ugnayan naman ang kapulisan ng Romblon MPS sa Rural Health Unit ng Romblon upang isailalim sa Post –Mortem na pagsusuri ang biktima at malaman ang sanhi ng pagkamatay nito.


Ayon pa sa pulisya, huling nakita ang biktima dakong 8:30 ng gabi sa kanyang bahay at diumano ay nasa ilalim ito ng espiritu ng alak. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.