• Tony Miñano Macalisang

Lalaking tinedyer na nambato ng bahay binugbog ng kabarangay sa San Agustin, Romblon


SAN AGUSTIN, Romblon – Isang lalaking tinedyer ang binugbog ng nakatira sa bahay na kanyang binato dakong 9:55 ng gabi, kahapon, Setyembre 10, 2020 sa Sitio Tambulungan, Barangay Doña Juan, San Agustin, Romblon.


Kinilala ang biktima na si Benevic Asi Gallos, 17 taong gulang, estudyante, binata, construction worker, samantalang ang itinuturong suspek ay si Allan Ocampo Rocero, 23 taong gulang, binata, manggagawa sa construction at parehong residente ng Doña Juana, San Agustin, Romblon.


Ayon sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS), nakatanggap umano ng tawag ang kanilang estasyon mula kay Barangay Kagawad Riza Magdato, ng Barangay Dona Juaña, na mayroon umanong nag-aaway sa kanilang barangay. Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng San Agustin MPS papunta sa nasabing lugar.


Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ang biktima na si Gallos na noon ay nakainom ng alak ay binabato umano ang bahay ng suspek kung saan ay lumabas ang suspek na si Rocero at sinuntok ang biktima ng ilang ulit kung kaya’t nagtamo ito ng mga sugat at galos sa iba’t-ibang parte ng katawan at mabilis na tumakas sa hindi pa alam na direksyon.


Dinala naman ang biktima sa Tablas Island District Hospital (TIDH) ng mga opisyal ng barangay para malapatan ng lunas ang tinamo nitong mga sugat sa katawan sanhi ng mga tama ng suntok ng suspek.


Kasong Physical Injury ang inihahandang isampa ng San Agustin MPS laban sa nasabing suspek. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.