• Tony Miñano Macalisang

LGU-Odiongan maglalaan ng 5 Milyon para sa bakuna kontra sa COVID-19


ODIONGAN, Romblon - Maglalaan ang Munisipyo ng Odiongan ng halagang 5 Milyong Piso (P5,000,000.00) para sa paunang pambili ng bakuna laban sa COVID-19, ayon kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.

“Nakapag initial consultation na kami kasama si Vice Mayor at mga Sangguniang Bayan, at suportado nila ang paglaan ng nasabing pondo”, ayon kay Mayor Trina Fabic.


Ayon kay Mayor Fabic, noong buwan pa ng Disyembre umano nila sinimulan ang pag-uusap tungkol sa bibilhin na bakuna at dalawang klase ng brand ang kanilang pinagpipilian na bibilhin.


“Sinimulan na noong Disyembre ang pag-uusap tungkol sa bakuna. Ang brand na pinagpipilian ay Astra Zeneca o Moderna”, ayon pa kay Mayor Fabic


Balak ng Pamahalaang Bayan ng Odiongan na pag nakaangkat na ng bakuna ang uunahin na tuturukan ay ang mga frontliners, senior citizens, PWDs, at mga walang kakayahang bumili ng bakuna.


“Uunahing tuturukan ng bakuna ang mga frontliners, senior citizens, PWDs, at mga walang kakayahang bumili”, ayon kay Mayor Fabic.


Ayon pa kay Mayor Trina, mayroon rin umano silang nakikita na reserbang pondo na karagdagang 5 Milyon pa para sa pangalawang batch kung sakaling kakailanganin na magdagdag sa pagbili ng bakuna.


Aniya pa, “Kung maglaan at magbaba ng bakuna ang National Government para sa atin ay pasasalamatan natin ito, dahil ibig sabihin mas marami pang mamamayan natin ang mababakunahan”.


Ayon kay Mayor Fabic, ang pagbili ng Lokal na Pamahalaan ng Odiongan ng bakuna ay pwede umanong isabay sa programa ng nasyonal government, ngunit habang wala pang bakuna sa ngayon ay sumunod muna sa ipinapatupad na health protocols ng kinaukulan.


“Pero habang wala pa ito, sumunod pa rin tayo sa mga tamang health protocols katulad ng social distancing, pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay, at pag gamit ng alcohol, tandaan na kahit walang nararamdamang sintomas ay pwedeng mayroong dinadalang virus na COVID-19, na pwedeng makahawa sa iba lalo na sa mga mahihina ang immune system”, paalaala ni Mayor Fabic.


Aniya pa, “Magkaisa tayo para sa maayos at masigla na bayan ng Odiongan!”

(Tony Miñano Macalisang / Romblon Sun)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.