LGU-Palawan may RT-PCR machine na


PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 11 (PIA) -- Dumating na nito lamang Agosto 6, ang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) Machine na binili ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.


Ayon sa impormasyong inilabas ng Provincial Information Office (PIO) sa kanilang Facebook page, ang RT-PCR machine ay nagkakahalaga ng mahigit P5 milyon na pinondohan mula sa Special Trust Fund ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).


Ilalagay ito sa itinatayong Molecular Testing Laboratory sa lupaing pag-aari ng pamahalaang panlalawigan sa Bgy. Irawan, Puerto Princesa City.


Ngunit habang hindi pa natatapos ang nasabing pasilidad ay pansamantalang ilalagay ito sa Provincial Health Office (PHO), ayon kay Acting Provincial Health Officer Dr. Faye Erika Q. Labrador.


Ang RT-PCR machine ay ginagamit sa pagsusuri ng mga swab sample upang makumpirma kung ang isang indibidwal ay positibo o negatibo sa COVID-19.


Samantala, patuloy naman ang konstruksiyon ng Molecular Testing Laboratory sa Bgy. Irawan na itinayo simula pa noong Mayo. Isa itong Free-Standing COVID-19 Testing Laboratory na mayroong comfort rooms, hazardous waste vault, staff quarters, reservoir tank and perimeter fence. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.