• Tony Miñano Macalisang

LGU San Andres Hindi Magpapatupad Ng Lockdown


SAN ANDRES, Romblon – Sa isinagawang emergency meeting ng San Andres Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) nitong nakaraang araw ay napagkasunduan ng mga miyembro na hindi magpapatupad ng lockdown sa buong bayan ng San Andres.


“Hindi isailalim sa lockdown ang buong bayan ng San Andres, kaya manatiling kalmado at iwasan ang pagkalat ng mga maling impormasyon, huwag basta maniwala sa mga bali-balita na hindi kumpirmado,” ayon sa Local Government Unit (LGU) ng San Andres.

Anila pa, ang balitang lockdown ay mabilis umanong kumalat sa ibang lugar kaugnay sa napabalitang locally stranded individual (LSI) na umuwi at nagpositibo sa COVID-19.


Ayon sa San Andres LGU ang nagpositibo sa COVID-19 ay isang bata na isang taon at siyam na buwang gulang pa lamang at kanila na umanong isinagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng batang pasyente na kasamahan sa quarantine facility simula noong sila ay dinala sa nasabing lugar.


“Agaran at madaling naisagawa ng ating local na pamahalaan ang contact tracing sa mga direktang nakasalamuha ng pasyente sapagkat sila ay nasa iisang quarantine facility lamang at hindi pa nakalabas mula ng sila ay dumating noong Hulyo 15, 2020.


Sa kasalukuyan ay nakahiwalay na umano ang mga kasamahang LSI sa ibang pasilidad at mahigpit na minomonitor ng San Andres Rural Health Unit.


Ipinaalala ng LGU San Andres na laging sundin ang Minimum Standard Health Protocols tulad ng pagsuot ng face mask, social distancing, madalas na paghugas ng kamay, paggamit ng alcohol at hand sanitizer. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.