• Tony Miñano Macalisang

Limang mangingisda kinasuhan ng illegal fishing sa San Agustin, Romblon


SAN AGUSTIN, Romblon – Timbog ang limang mangingisda matapos lumabag sa Section 86 ng R. A. 10654 (illegal fishing) dakong 3:00 hanggang 6:15 ng umaga ng Disyembre 12, 2020 sa Barangay Cawayan, San Agustin, Romblon.


Ang mga nasakoteng suspek ay itinuturo na sina Aldrin Mabasa Miñon, boat Captain, 39 taong gulang, may-asawa, John Gregor Rodelina Mazo, 20 taong gulang, binata, John Dave Quial Bastillador, 23 taong gulang, may-asawa, Mark Arvin Manzo Mazo, 24 taong gulang, binata, John Michael Mindoro Merabite, 19 taong gulang, binata at Rodolfo San Andres Amancio, Jr. 45 taong gulang, may-asawa at pawang mga residente ng Barangay Long Beach, San Agustin, Romblon.


Sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station (SAMPS), ang MARPSTA na kinabibilangan nina Pat Gelbert Romano, Pat Laurence F. Faderogaya at Pat John Kenneth Fajardo sa ilalim ng superbisyon ni PLT Michael Martinez SC, kasama ang mga tauhan ng San Agustin MPS na pinamunuan ni PEMS Rey Fetalco sa superbisyon ni PLT Eric Herald Faigao, OIC, ay nagsagawa ng pagpapatrolya sa karagatan na sakop ng bayan ng San Agustin laban sa mga ilegal na pangingisda kung saan dakong 6:45 ng umaga ay kanilang nasakote ang isang fishing boat na may markang FBCA SEALAND na pag-aari ng isang taga Barangay Long Beach, San Agustin, Romblon, na nasa humigit kumulang sa walong kilometro ang layo mula sa dalampasigan ng Barangay Cawayan, San Agustin, Romblon na isang paglabag sa Sec. 86 ng Republic Act 10654 (unauthorized fishing).


Nakumpiska sa mga mangingisda ang isang bangkang pangisda na tinatayang nasa halagang P500,000.00, Fishing net na may presyo na P500,000.00, makina ng bangka na nagkakahalaga ng P200,000.00, at iba’t-ibang klase ng isda na tinatayang nasa P1,500.00 ang halaga.


Ang mga inarestong mangingisda, kasama ang nakumpiskang bangka at iba pang mga kagamitan na may kabuuang halaga na humigit kumulang sa P1,201,500 ay nasa ilalim ng kustodiya ng Romblon MARPSTA at kasalukuyang inihahanda ang mga kaukulang dokumento para sa disposisyong legal ng nasabing kaso. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.