• Tony Miñano Macalisang

Limited Face-To-Face classes panukala ni SP Rachel Bañares


ROMBLON, Romblon - Ipinanukala ni Sangguniang Panlalawigan member Atty. Rachel Bañares sa kanyang inakda na ipinasang Resolution sa Sangguniang Panlalawigan ng Romblon na himukin ang Department of Education (DepED) at ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na payagan na magsagawa ng limited face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa probinsya ng Romblon.


Ayon kay SP Banares sa ganitong paraan umano ay upang masiguro na mas maraming bilang ng mga estudyante ang makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral kahit sa gitna nang kinakaharap na pandemya dahil ang sestima ng pag-aaral sa pamamagitan ng online at paggamit ng module ay maraming balakid at naging mas mahirap para sa mga estudyante ang makapag-aral ng mabuti.


Aniya pa, ang paghanda ng mga guro ng mga selflearning modules at ang mga binibiling gamit ng mga magulang para sa kanilang mga anak na gagamitin sa online classes ay napakahirap at magastos.


Nakasaad rin sa inakdang Resolution ni SP Bañares na ang probinsya ng Romblon ay isa sa ilalim ng kategoriya na Modified General Community Quarantine or nasa Low Risk areas.


At ang Local School Boards at Parents Teachers Association (PTA) sa lalawigan ng Romblon ay buo ang suporta na magkaroon ng limited face-to-face classes basta’t sundin lamang ang mga ipinapatupad na minimum health standards protocols katulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, pagkakaroon ng social distancing na mahigpit na ipapasunod sa loob ng mga paaralan.


Ayon pa kay SP Bañares, naipasa na umano sa Committee hearing nasabing Resolution at nakatakdang itong pag-uusapan.


Dagdag pa ni SP Bañares na may mga press releases na ang DepEd na pwede na ang limited face-to-face classes sa Enero 2021 pero kailangan may request umano ang LGU at ito ang nga daw ang kanyang ginagawa.


“May Press Releases po ang DepEd na pwede na ang limited face to face sa January 2021, pero dapat daw may request ang LGU, so kaya po ginagawa yang Resolution, it is in effect the request of the Province of Romblon,” ayon kay SP Bañares.


Paliwanag pa ni Atty. Bañares, na maraming mga magulang, mga guro at mga estudyante ang nahihirapan sa kasalukuyang sestima ng pag-aaral at bilang mambabatas ay kailangan na gumawa ng paraan na makatulong na mapagaan kung hindi man malutas ang kinakaharap na problema ng mga kababayan.


“Hindi naman po pwedeng kahit madaming problema ang mga parents natin, teachers, pupils, eh wala lang, it is our job as legislators to do something para sa ikabubuti ng ating mga mamamayan po,” ang pahayag ni SP Bañares. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun)


Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.