• Bobot Fradejas

LISTO NA LIDERATO


ODIONGAN, ROMBLON- NAKAHINGA ng maluwag ang mamamayan sa pinalabas na opisyal na pahayag ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan na sang-ayon ang buong konseho ng bayan sa mungkahi na aangkat ang munisipyo ng halagang 5 milyon na bakuna laban sa CoViD-19.


Dalawang gamot ang pagpipilian, ang tatak AstraZeneca at Moderna, mga gamot na may mataas na efficacy rate at hindi hamak na mababa ang presyo. Ngunit may balakid. Ipinagpipilitan na isalaksak sa ngalangala ng mga Filipino ng batugan at tila bangag na pangulo ang Sinovac na gawang China na bukod sa mataas ang presyo ay hindi dumaan sa tamang proseso. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang Sinovac ay tinanggihan ng maraming bansa.


Sa isang panayam, sinabi ni Bise Mayor Diven Dimaala, tumatayong Mayor na "good as approved" na ang mungkahi. Patuloy ang ugnayan ng dalawang opisyal habang nasa opisyal na trabaho si Firmalo-Fabic sa Maynila.


Maagap ang dalawang opisyal ng Odiongan. Hindi sila nagkukulang sa paalala at gumawa ng hakbang laban sa mapanganib na sakit. Hindi sila umaasa sa gobyernong national. Hindi sila pabaya. Sa maikli, listo na liderato.


Matama lang na gumawa sila ng sariling hakbang upang mapanglagaan ang mga mamamayan. Hindi sila dapat umasa sa gobyerno sa ilalim ng buang na pangulo. Pakiramadam namin ay mayroon kaming pangulo na wala kaming mahihita kundi puro dada.


Sa ganang amin, wala rin aasahan sa gobernador ng Romblon. Hindi namin maunawaan kung bakit ipinadala sa Romblon Provincial Hospital ang isang pasyente na nakaranas ng ruptured appendicitis. Naalarma ang ilang mamamayan nang ito ay magpositibo sa sakit pagdating sa Odiongan.


Ngunit maagap si Mayor Trina. Gumawa sila ng hakbang na maghigpit sa pagpapatupad sa mga tamang protocol upang mapangalagaan ang kanyang nasasakupan. Pinaaalahanan niya ang mamamayan na wala dapat ikabahala. Isang natatanging lider si Trina.


Napabalita na dumaan sa pagsusuri ang pasyente bago umalis ng Romblon. Ngunit pagkatapos dumaan sa Rapid Antigen at Swab test sa RPH ay nagpositibo. Ayon sa isang source, gawang China ang test kit na ginamit sa RDH. Gawang Gemany naman ang ginamit sa RPH.


Laking gulat namin sa ibinigay na dahilan kung bakit dinala sa Romblon Provincial Hospital ang pasyente. Walang anesthesiologist ang Romblon District Hospital! Nasaan ang pinaglalandakan ng kapitolyo na itinaas sa Level 1 ang ospital sa ilalim ng pamamahala ni Otik Riano? Ito ba ay drawing lamang? O sadyang nadenggoy ang mga sumuri sa ospital para itaas ang antas sa level 1?


Hindi namin maiwasan na magduda sa motibo ng mapanlinlang na gobernador. Matatandaan na ang isyu ng ospital ang todong binaterya ng kaniyang mga sugo nang nakaraang halalan. Nagbitaw ng mga pangkalawakang pangako na maayos ang serbisyo at iba't ibang makabagong kagamitan kabilang ang dialysis center. Kulang na lang ipangako na kaya ng ospital ang bumuhay ng patay.


Kabaliktaran ang nagyari sa mga ospital. Nagsilayasan ang mga dalubhasang doktor. Kinalimutan ang pangakong libreng gamot. Sa huli, nagdusa ang mga pasyente. Hindi maaring pagtakpan ng pagbibigay sa frontliners ng pagkain Jollibee ang kanyang kahinaan na pagkatapos magpapiktyur ay kampante na siya. Lalong hindi mapagtatakpan ng kung ano anong lumalabas sa bibig ng mga patapon at nagdudunongan na tagapagsalita niya. Ang nais lamang nila ay mapasahod sila sa tamang oras.


Nasanay na kami sa pakuyakuyakoy ni Otik. Tingin namin ay wala siyang maaring ipagmalaking nagawa sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Isa siyang misteyosong lider na hindi nakikita, naririnig o nararamdaman.


Ang kanyang paghirang sa tatlong "deputy governors", sa kabila ng pagbalewala sa opisina ng bise gobernador, ay tuwirang pag-amin na hindi niya kayang gampanan ang kaniyang trabaho. Mainam siguro na tingnan niya ang tamang pagpapatakbo ng ISIAH Hospital. O kaya ay magpaturo siya kay Vice Mayor Diven Dimaala.


Ibayong pag-iingat ang nararapat upang labanan ang nakakakilabot na sakit. Ngunit ang mga lider ng probinsya ay tila nangutya pa na parang mga unggoy na tuwang tuwa mag hala bira sa bayan na itinuring na epicenter ng CoViD 19 sa probinsya.


Malinaw na walang pagpapahalaga sa kung anong mangyari sa kanilang kapwa. Nakakakilabot isipin na maaring dumami ang kaso sa ginawang hala bira at pagkumpol kumpol ng mga siga.


Tama lang na gumawa ng sariling hakbang ang mga lider ng Odiongan

ADVERTISE WITH US!.png