• Tony Miñano Macalisang

Lockdown Order ng Santa Maria inalis na, pagtanggap ng ROFS at LSIs suspendido pa rin


SANTA MARIA, Romblon – Base sa inilabas na Executive Order No. 030-2020 na nilagdaan ni Mayor Lorilie M. Fabon, Municipal Mayor ng Santa Maria, tinanggal na nito ang pagkalagay sa total lockdown at ibinalik sa Modified General Community Quarantine ang bayan ng Santa Maria, Romblon simula ngayon araw, Setyembre, 3, 2020.


Matatandaan na nagdeklara ng total lockdown sa buong Santa Maria si Mayor Fabon na nakapaloob sa inisyu na EO 29 s 2020 nitong Agosto 30, 2020 sa rekomendasyon ng MIATF/Task Force COVID-19 kaugnay sa dalawang LSIs na nagpositibo sa COVID-19 na kasalukuyang naka isolate sa Municipal Isolation Unit ng nasabing bayan.


Sa ginawang contact tracing ng Contact Tracing Team na pinamunuan ni LT. Kim Oliver N. Marquez sa 17 katao na nakasalamuha ng dalawang pasyente ay pawang negatibo ang resulta ng Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test na inilabas ng RITM ngayong araw.

Nakasaad pa sa EO ni Mayor Fabon na obligasyon ng lokal na gobyerno na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng kanyang nasasakupan at kailangan na mapigilan at makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang bayan.


Ang pagtanggap ng mga Locally Stranded Individual (LSIs) at Returning Overseas Filipinos (ROFs) papunta sa bayan ng Santa Maria ay pansamantalang suspendido hanggang sa susunod na pahayag ayon pa rin sa EO ni Mayor Fabon upang maiwasan ang paglaganap at pagdala ng COVID-19.


Samantala balik trabaho naman ang nasa industriya ng construction.


Ang pagsagawa ng mga relihiyong aktibidad ay muling pinapayagan ngunit hanggang 50 porsyento lamang ang kapasidad.

Nakasaad pa sa EO na mahigpit na ipairal ang pagpapatupad ng curfew mula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga at ang mga residente na edad beinte-uno (21) anyos pababa at sisenta (60) taong gulang pataas ay kailangan na manatili sa loob ng bahay.


Pinaalala rin na sundin ang “Health safety measures” lalo na ang pagsuot ng face mask, social distancing at good personal hygiene practices sa lahat na mga residente ng Santa Maria at ang sinumang lumabag sa nasabing kautusan ay mapapatawan ng kaukulang parusa. (Tony Miñano Macalisang/Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.