• Tony Miñano Macalisang

LSI NA DUMATING SA ODIONGAN NAGPOSITIBO SA COVID-19


ODIONGAN, Romblon – Isang Locally Stranded Individual (LSI) na dumating sa bayan ng Odiongan ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa LGU Odiongan.


Dumating sa pier ng Odiongan ang nasabing LSI noong Nobyembre 4, 2020 at bilang bahagi ng ipinapatupad na patakaran ang lahat na bagong salta ay inilagay agad sa itinakdang quarantine facility sa nasabing bayan.


Nitong Nobyembre 9 ay isinailalim sa RT-PCR swab test ang nasabing LSI, at kaninang umaga, Nobyembre 11, ay dumating ang resulta ng kanyang swab test at ito ay nagpositibo sa COVID-19. Nananatiling asymptomatic o hindi nakitaan ng anumang sintomas hanggang sa kasalukuyan ang naturang LSI.


Ito ay inilipat na rin sa Municipal Isolation Facility upang doon ipagpatuloy ang kanyang pag-quarantine at upang magabayan at mamonitor ang kalagayan nito ng mga tauhan ng Municipal Health Office ng Odiongan.


Isinagawa na rin ng kinaukulan ang contact tracing sa nasabing LSI alinsunod sa pinapatupad na protocol ng DOH.


Panawagan ni Mayor Trina Firmalo Fabic sa publiko na maging mahinahon, at sundin ang lahat ng health protocols, mag antabay ng balita mula sa LGU, at huwag magpakalat ng maling impormasyon.

Ayon pa kay Mayor Fabic kontrolado umano ng LGU ang kasalukuyang sitwasyon at walang dapat ikabahala ang lahat. Sundin lamang ang mga Health protocol kagaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, laging maghugas ng kamay at social distancing. (Romblon Sun Online)

Subscribe to Our Newsletter

© 2020 Romblon Sun Online. All rights reserved.